NANGANGAMPANYA rin pala ang komedyanteng si Bayani Agbayani para kay Bong Go at ginamit din bilang jingle ng senatoriable ang kantang pinasikat niya na “Otso-Otso.”
“Pero si Lito Camo lang ang binayaran. Ako, wala. Wala ako kahit singko,” paglillinaw ni Bayani nu’ng makausap namin sa grand presscon ng bago niyang pelikula na “Pansamantagal” with Gelli de Belen.
“Wala akong bayad maniwala kayo sa akin. Tumawag ako kay Tito Boy (Abunda, his manager). ‘Tito Boy, wala pala itong bayad?’ ‘Bayani, tulungan mo na sila,’ sabi ni Tito Boy sa akin,” kwento pa ng komedyante.
Pero inamin ni Bayani na binibigyan naman daw sila ng panggasolina. Matagal na rin daw kasi niyang kaibigan si Bong Go simula pa lang na maging Vice Mayor ng Davao si Presidente Rodrigo Duterte.
“Tsaka kumpare ko si Paolo Duterte. Kapag nagba-basketball kami sa Davao nagkikita si Kuya Ipe (Phillip Salvador) at si Presidente, nagpa-firing sila doon. Kami naman nagba-basketball. Ang naging kaibigan namin si Paolo,” aniya pa.
Proud naman si Bayani sa bago niyang movie na “Pansamantagal.” “Unang-una ang hirap gumawa ng movie na hindi ka magpapatawa, e. Pero dito, nagpatawa pa rin ako. Sabi nga ni Direk Joven (Tan), at least hindi sila maiinip kasi pumasok pa rin ‘yung Bayani. Hindi pa rin ako humiwalay sa karakter ko sa movie.
“Hindi mo inaasahan pero matatawa ka. Alam mo kasi makikita mo ‘yung pelikula na sasadyain mo ‘yung magpatawa. Eto, hindi,” paliwanag niya.
Para kay Bayani, walang pansamantala sa kanya. Pero ang pangmatagalan naman sa buhay niya ay ang kanyang misis na si Len at mga anak nila.
After “Pansamatagal” ay may dalawa pang pelikulang gagawin this year si Bayani.
“‘Yung movie namin ni Karla (Estrada) siguro next year na kasi may gagawin pa akong dalawang pelikula. ‘Yung ‘Aswang Ang Nanay Ko’ at ‘His-story of the Philippines.’ Ako rin ang susulat. Si Direk Joven din ang magdidirek ng ‘His-Story’. Tapos sina Kuya Dondon (Monteverde) ulit ang producer.”
Planong kunin ni Bayani ang movie queen na si Gloria Romero para gumanap na nanay niya sa “Aswang.” Matagal daw silang nagkasama ni Tita Glo sa sitcom na Okey Fine Whatever sa ABS-CBN.
Going back to “Pansamantagal,” ibinandera ni Bayani na may “frontal scene” sa movie nila ni Gelli kung saan kasama rin sina DJ Chacha, Ronnie Lazaro at Perla Bautista.
“Magugulat ka. Pero hindi ako ‘yun! Baka kung ako, masuka kayo. Mabilis na mabilis lang. Dapat ‘wag kang kukurap.
“Pero masasabi mo na dapat siyang ipakita kasi hahanapin siya ng tao. Kasi pinag-usapan siya all throughout the movie, e.
“Tapos sasabihin mo, ‘Asan ‘yun?’ ‘Sino ‘yun?’ Hindi kasi ipinakita kung sino. Pero makikita mo siya. Sisigaw ka. Rewind! Rewind! Gaganu’n ka. Abangan n’yo po ‘yun,” lahad pa ng comedian.
Sa March 20 na ipalalabas ang “Pansamantagal” nationwide.