SUCCESSFUL ang ginanap na Mr. & Ms. Hundred Islands 2019 last Sunday sa Don Leopoldo Sison Convention Center, Alaminos, Pangasinan.
Ito’y bahagi pa rin ng pagdiriwang ng 3rd Hundred Islands Paraw Festival ng Alaminos kung saan binibigyang pugay ang lahat ng mga Pangasinense na nagtataguyod at nangangalaga ng turismo sa Pangasinan, partikular na sa Alaminos kung saan matatagpuan ang sikat na tourist destination na Hundred Islands.
In fairness, maganda ang production ng nasabing local beauty pageant, talagang pinaghandaan at ginastusan dahil sa stage pa lang ay para ka nang nanonood ng Binibining Pilipinas.
Isa kami sa mga umupong judge during the grand coronation night kasama ang mga ambassador ng BeauteDerm na sina Alma Concepcion, Sherilyn Reyes, Glydel Mercado at Tonton Gutierrez. Nandoon din si Binibining Pilipinas Globe 2018 Michelle Gumabao na nagsilbi ring judge at crowning guest ng pageant.
Hinarana naman ng Kapamilya young actor and Hashtag member na si Ryle Tan ang mga taga-Alaminos.
Talagang sigawan at palakpakan ang audience nang pumagitna na siya on stage, lalo na nang kantahin niya ang “Buwan” ni JK Labajo.
Itinanghal na Mr. & Ms. Hundred Islands sina Dan Vergel Cacho at Venia Illustrisimo na naging crowd favorite rin dahil sa galing nilang rumampa at sumagot sa question and answer portion.
Wagi namang Mr. & Ms. Tourism sina Justin Paul Basobas at Alyssa Alday; Mr. & Ms. Environment naman sina Fiesal Borbon at Star Clanine Claire Nicanor.
Sina Alyssa Tuscano Alday at Francis Ramil Fernandez naman ang nag-uwi ng Inquirer Bandera’s Choice.
Bago nagsimula ang coronation night, nagbigay muna ng welcome remarks si Alaminos Mayor Arthur Celeste na tuwang-tuwa dahil punumpuno ang venue ng event.
Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga taga-Alaminos at iba pang turista na dumayo sa kanilang probinsya para makisaya sa kanilang 3rd Hundred Islands Paraw Festival.
Katuwang din ni Mayor sa paghahanda sa kanilang fiesta ang kanyang anak na si Arth Bryan Celeste, isa sa mga Board Member sa Alaminos, pati na ang event chairman na si Mylene Manalastas.