‘Good Boy’ si Rolando


MAHIRAP ang lumaki na walang ama.

Napatunayan na yan hindi lang sa pamamagitan ng mga pag-aaral kundi mismong sa mga karanasan ng mga lumaking wala sa piling ang haligi ng tahanan.

Kabilang dito ang sitwasyon ng mga anak na ang mga ama ay mga Overseas Filipino Workers at seamen. Dagdag itong pahirap sa mga ina kung paano palalakihing may disiplina ang kanilang mga anak.

Hindi ba’t ang numero unong biktima sa sitwasyong ganito ay ang mga anak?

Dahil dito, nais kong papurihan si Rolando Dy na anak ng dating boxing champion na si Rolando ‘‘Bad Boy from Dadiangas’’ Navarrete. Dating hari ng super featherweight si Navarrete noong 1980s.

Hindi na bago sa atin kung ano ang nangyari kay Navarrete na naging laman ng mga pahayagan matapos ang kanyang mga laban kina Alexis Arguello, Cornelius Edwards, Choi Chung Il at Rafael ‘‘Bazooka’’ Limon.

Dahil sa kawalan ng tamang ayuda at ang pagiging ‘‘lasing’’ sa kasikatan at karangyaan, bumagsak si Navarrete na nakulong pa ng tatlong taon sa Hawaii dahil sa kasong sekswal. Matapos lumaya ay bumalik si Bad Boy sa Pilipinas ngunit nasangkot sa iba’t-ibang klase ng gulo sa Gen. Santos City.

Ang nakatatandang Navarrete ang tunay na larawan ng ‘‘self-destruction’’ ng mga boxing champs na bumagsak sa hirap.

Si Rolando ay anak ni Navarrete kay Jennifer na tubong Davao ngunit ngayo’y marangal at maganda ang buhay sa Dasmariñas, Cavite.

Isang taon pa lamang ay lumayo na ang Bad Boy sa kanyang mag-ina, ngunit dahil sa mahusay na pagpapalaki sa kanya nina Jennifer at tiyuhing si James Dy na isang pastor ay hindi naligaw ng landas ang batang Rolando.

Nagtapos ng legal studies sa Lyceum of the Philippines University si Rolando Dy at aminadong nagbabalak siyang pumasok sa law school matapos ang kanyang karera sa mixed martial arts (MMA).

Isang featherweight si Dy na kabilang sa grupo ng mga mandirigmang lumalaban sa Brave Combat Federation.

Pinabagsak ni Rolando ang Pakistani fighter na si Mehmosh Raza sa Brave 22: Storm of Warriors na ginawa noong weekend sa Mall of Asia Arena.

Aminado si Dy na mahirap lumaki na wala ang ama ngunit hindi siya pinabayaan ng kanyang ina at tiyuhin. Aniya, wala siyang bisyo at seryoso siyang nag-aaral.

Tunay na mahihirapan si Rolando na maabot ang narating ng kanyang ama sa larangan ng boksing ngunit ligtas din na sabihin na sa pagkakataong ito ay iba ang anak sa ama.

Walang bakas ng hinanakit kay Navarrete ang anak at malinaw na determinado siyang gumawa ng sarili niyang pangalan sa larangan ng MMA.

Isa pang positibong anggulo ng Brave 22 ay ang matibay na suporta ng Games and Amusements Board sa pangunguna ni Baham Mitra. Ang GAB ang ahensya na tinatakda ng batas na patnubayan ang pro sports sa bansa. Kabilang si Mitra kasama si Commissioner Eduard Trinidad sa masasayang miron na nanood sa salpukan ng mga world-class MMA fighters sa Brave 22.

PSC Nutrition Hall

Nagsimula na ang operasyon ng Philippine Sports Commission (PSC) Nutrition Hall sa Rizal Memorial Sports Complex.

Siguradong hindi mabibigo ang mga bituka ng hindi kukulangin sa 500 pambansang atleta. Hindi lang sila mabubusog kundi matitikman nila ang masusustansyang mga pagkain na mula sa mga eksperto.

“There were a lot of challenges along the way but this is a promise that PSC chairman William Ramirez made and made sure to keep,” sabi ni senior executive assistant at national training director ng Philippine Sports Institute na si Marc Edward Velasco.

Tunay na malapit sa puso ni Ramirez ang mga atletang Pinoy.

Ginawa na ang biometrics registration at nutrition assessment ng PSC Nutrition Unit sa pamumuno ni Jane Serapion, May kanya-kanyang diyeta ang mga atleta at coaches sa national pool.

Breakfast, lunch, dinner, at may meryenda pa ang mga atleta mula Lunes hanggang Sabado. Dahil dito ay inaasahang lalo pang pagbubutihin ng mga nasyonal ang kanilang mga pasiklab para sa bayan lalo’t dito sa atin gagawin ang 2019 Southeast Asian Games.

Huwag magtaka kung maraming mga marka ang mabura ng mga Pinoy sa SEAG. Sa ilalim ni Ramirez ay nangunguna sa listahan ng PSC ang ikabubuti ng mga manlalaro.

Isa sa mga natuwa sa Nutrition Hall si coach Chris Yabut ng Philippine Pencak Silat Association.
”This is good for the players specially after the training. Susunod lang kami kung anong makakabuti,” aniya.

Ngunit hindi sa Rizal Memorial Sports Complex natatapos ang pagtatayo ng Nutrition Hall. Inaasahang malapit ng magsimula ang operasyon ng isa pang Nutrition Hall sa Philsports Complex sa Pasig.

Read more...