NAPAISIP ang isang miron, sinasabotahe nga ba ang administrasyong Duterte?
Noong una ay nagkaroon ng artificial na kakulangan sa suplay ng bigas. Biglang nawalan ng mabiling murang bigas sa mga palengke partikular ang ibinebenta ng National Food Authority nang palugi.
Siyempre kung walang mabiling NFA rice, tataas ang presyo ng mga commercial rice. Kaya nga maraming duda kung totoo na hindi tataas ang presyo ng bigas dahil sa Rice Tarrification Law, ang batas na magiging dahilan kung bakit hindi na magbebenta ang NFA ng bigas.
Tapos ngayon, dalawang buwan bago ang midterm elections ay nawalan naman ng suplay ng tubig ang mga kustomer ng Manila Water.
Milyong residente ang naapektuhan ang pamumuhay—merong hindi nakakapasok sa trabaho at eskuwelahan, merong sira ang diskarte sa pagtitinda ng pagkain, merong ding hindi nakakatulog sa kahihintay ng rasyon ng tubig at nagbabantay dahil baka malagpasan ang nakapilang balde at galon.
Sabihin man na sa Manila Water nabubuwisit ang mga apektadong residente, sa huli ang tanong ng mga ito ay ano ang ginawa ng gobyerno para hindi ito mangyari? Kung ginawa ba ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang trabaho lalo at ang mga kustomer lang ng Manila Water ang apektado at hindi ang mga taga-Maynilad.
Ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System pa rin naman ang nagre-regulate sa Manila Water at dapat binabantayan nila kung ginagawa nito ng tama ang kanilang trabaho.
Sa Mayo pa ang eleksyon pero ngayon pa lang ay pinag-uusapan na kung sino ang magiging susunod na Senate President.
Sa Kamara de Representantes, tanggap na kung sino ang inguso ng Malacanang ‘yun ang magiging Speaker.
Alam nyo naman, palaging kontrolado ng Palasyo ang Kamara kung saan nagsisimula ang impeachment case.
Pero iba sa Senado, doon ay bantayan at bilangan ng kakampi.
Ang sabi, kung mananalo ang mga manok ni Pangulong Duterte, na mula sa PDP-Laban, hindi na si Senate President Tito Sotto III ang magiging lider ng Mataas na Kapulungan. Ang matunog na ihahalal ng mga bagong senador ay si Sen. Juan Miguel Zubiri umano.
Ang pag-asa raw ni Sotto upang mapanatili sa puwesto ay kung mananalo ang karamihan sa mga reelectionist.