TINANGGAL sa tungkulin ang direktor ng Quezon provincial police matapos ang shootout sa Tayabas City na ikinasawi ng anak ng isang alkalde at kasama nito.
Inalis sa puwesto si Col. Osmundo de Guzman at pinalitan ni Col. Joseph Arguelles bilang officer-in-charge, epektibo Martes, ayon sa memorandum mula sa PNP Directorate for Personnel and Records Management.
Ayon kay Brig. Gen. Edward Carranza, direktor ng Calabarzon police, ang kautusa’y bunsod ng umano’y kabiguan ni De Guzman na pamahalaan ang mga tauhan, kabilang ang hepe ng pulisya sa Tayabas.
Matatandaang noon lang Lunes, sinibak ni De Guzman si Lt. Col. Mark Joseph Laygo bilang hepe ng pulisya sa Tayabas at mga tauhan nitong sina Ssgt. Christopher John Siman at Patrolmen Perry Malabaguio at William Allan Ricamonte.
Una dito, noong nakaraang Huwebes, napatay ng mga pulis-Tayabas si Christian Gayeta, anak ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta, at kasama nitong si Christopher Manalo sa shootout sa Brgy. Calumpang.
Bago ang insidente’y nagsumbong sa pulisya ang pump attendant ng isang gasolinahan sa Brgy. Baguio na binantaan siya ng dalawang lalaking naka-motorsiklo at pinaputukan pa, bagamat di tinamaan.
Nang rumesponde ang mga pulis, pinaputukan ng dalawang lalaking magkaangkas sa motor ang kanilang patrol car, kaya nagkabarilan, ayon sa pulisya.
Kasunod nito’y kinuwestiyon ng pamilya Gayeta ang pagkakapatay sa dalawa.