Bong Galanza napling PBA Player of the Week

NLEX Road Warriors guard-forward Bong Galanza

HINDI sinayang ni NLEX Road Warriors swingman Bong Galanza ang ikalawang pagkakataon na ibinigay sa kanya sa Philippine Basketball Association (PBA).

Matapos ang dalawang taon na paglalaro para sa Columbian Dyip, ipinamalas ni Galanza ang kanyang husay sa ilalim ni NLEX head coach Joseller “Yeng” Guiao ngayong 2019 PBA season.

Ito ay matapos magtala si Galanza ng 16 puntos, 3.0 rebound, 2.5 steal at 1.0 assist kada laro sa magkasunod na panalo ng NLEX na naging daan din para parangalan siya bilang Cignal-PBA Press Corp Player of the Week para sa period na Marso 11-17.

Ang 26-anyos na tubong Isabela ay gumawa ng 14 puntos, tatlong rebound at tatlong steal para magsilbing bida para sa 91-70 pagwawagi ng NLEX kontra Alaska Aces noong nakaraang Miyerkules.

Sinundan ito ng dating University of the East Red Warriors team captain ng 18 puntos, na nilakipan niya ng anim na 3-pointers, para tulungan ang Road Warriors na durugin ang Blackwater Elite, 122-101, noong Linggo.

Bunga ng mga naitalang panalo, umangat ang NLEX sa ikapitong puwesto sa team standings sa hawak na 4-5 karta.

Tinalo ni Galanza para sa lingguhang parangal sina Scottie Thompson ng Barangay Ginebra Gin Kings, Roger Pogoy ng TNT KaTropa, Javee Mocon at Ed Daquioag ng Rain or Shine Elasto Painters, at Matthew Wright ng Phoenix Pulse Fuel Masters.

Read more...