NAKAKAINIS itong si Arjo Atayde, ayaw na ayaw talaga niyang nasasabihang magaling siyang aktor!
Hiningan kasi namin siya ng reaksyon habang tinitipa namin ang kolum na ito sa nomination niya bilang Outstanding Performance by an Actor in a Supporting Role sa pelikulang “Buy Bust” sa 67th FAMAS.
Hindi niya kami sinagot. Inisip na lang namin na baka nasa taping siya ng The General’s Daughter.
Ganu’n kasi ang aktor kapag nasa work o may bagay na pinagkakaabalahan, dedma siya sa lahat ng nagte-text o tumatawag, maski nga magulang niya ay hindi rin niya sinasagot.
Anyway, sa limang minutong exposure niya sa unang pelikula niyang “Buy Bust” bilang si Biggie Chen (pinagbidahan ni Anne Curtis) mula sa Viva Films ay tumatak ang karakter niya kaya napansin siya ng mga hurado ng FAMAS.
Mga batikang aktor ang makakatunggali ni Arjo tulad nina Soliman Cruz, Publio Briones III, Joem Bascon, Levi Ignacio, Teroy Guzman, Gabby Eigenmann, Richard Joson, Nanding Josef at Meggie Cobarrubias. Sila lang ni Aaron Villaflor ang masasabing baguhan sa nasabing kategorya.
Pagkalipas ng walong taong pagpupursige ni Arjo sa showbiz ay ngayon na niya nararamdaman ang bunga ng lahat ng pinaghirapan niya.
Ang talagang nagpaingay nang todo sa pangalan niya ay ang pagiging kontrabida niya sa FPJ’s Ang Probinsyano (2015-2017). Ginulat ng aktor ang lahat sa karakter niyang Joaquin Tuazon at dito na sinabing mas magaling siyang artista kaysa sa nanay niya.
Sinubukan din ni Arjo magdrama sa seryeng Hanggang Saan (2017) kasama ang inang si Sylvia. Hindi rin siya nagpatalo sa inang ilang beses na ring tumanggap ng Best Actress trophy.
At sa umeereng The General’s Daughter sa karakter na Elai, lahat ay nagsabing, “Magaling talaga si Arjo.”
Pero nang ipakita ang trailer ng digital series niyang “Bagman” sa iWany ay napamura na ang lahat sa galing ni Arjo. Sa nakaraang mediacon ng “Bagman” ay wala kaming narinig mula sa mga direktor na sina Phillip King, Shugo Praico at Lino Cayetano kundi papuri sa aktor dahil siya ang perfect para sa karakter ni Benjo.
Ito rin ang sinabi ng mga kasama niya sa series na sina Raymond Bagatsing, Yayo Aguila, Chanel Latorre at Allan Paule.
Anyway, may advance screening ang “Bagman” ngayong hapon sa Trinoma Cinema 7 at bukas, Marso 20 ang first 6 episodes ay mapapanood sa iWant, sa March 27 naman ang 3 episodes at sa April 3 ang last 3 episodes. Ang tawag dito ng Dreamscape Digital at Rein Entertainment ay “three drops.”