HINDI binigo ni Filipino Brave Combat world champion Stephen Loman ang sambayanang Pinoy nang maitala ang impresibong technical knockout panalo laban kay Elias ‘The Smile’ Boudegzdame ng Bahrain para mapanatili ang hawak na bantamweight title sa Brave 22: Storm of Warriors Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Magkahalong pananabik, pangamba at kalungkutan ang bumalot sa katauhan ng 27-anyos na Baguio City bet at miyembro ng Team Lakay na si Loman sa unang pagkakataon na lumaban sa harap ng mga kababayan at pagkamatay ng malapit na tiyuhin.
“This is the first time I fought under the Brave promotion here in the Philippines. Masaya at excited, and at the same time malungkot dahil namatay ang tiyuhin ko,” sabi ni Loman sa post-fight interview.
Matikas na nakihamok ang karibal ng Bahrainian at ilang ulit na muntik nitong ma-takedown ang Pinoy champion kung hindi sa matikas na depensa ni Loman sa stand-up duel.
Sa ikaapat na round, nagpalitan ng suntok ang parehong striker ngunit nagawa pa ring malusutan ni Loman ang pagtatangka ng karibal na maipit siya sa sahig ng octagon.
Sa pagpalo ng warning bell na hudyat para sa huling 10 segundo, nagsimulang dumagundong ang hiyawan na ‘Loman, Loman, Loman’ dahilan para makakuha ng higit na lakas ang Pinoy at mataaman ng left hook ang karibal.
Sa pagbagsak nito, kaagad siyang kinubabawan ni Loman at mabilis na itinigil ng referee ang laban sa opisyal na oras na 2:59.
“Natiyempuhan ko rin. Nang marinig ko ‘yung warning going to the final 10 seconds, ibinigay ko na nang todo, nang bumagsak, nirapido ko na, medyo parang nagulat pa ‘yung referee kaya napatingin ako sa kanya, buti naman itinigil ‘yung laban, before tumunog ‘yung final bell,” sabi pa ni Loman, na naidepensa ang titulo sa ikatlong pagkakataon.
“I would like to dedicate this fight to my family and teammates. But also to my uncle, who passed away this month. This was for him, definitely,” dagdag ni Loman, na tanging Pinoy world champion sa Brave Combat Federation, ang nangungunang MMA promotion sa Middle East at African continent.
“Nagpapasalamat ako sa suporta ninyong lahat,” ani Loman sa nagdiriwang na mga manonood na kinabibilangan nina Games and Amusement Board (GAB) chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at PSC Commissioner Eduard Trinidad.
Sa co-main event, nakuha ni Rolando Dy, anak ni dating boxing world champion Rolando Navarette, ang paghanga ng mga manonood sa impresibong TKO win sa first round kontra sa dating walang talong si Mehmosh Raza ng Bahrain.
“This is the first time I fought inform of my kababayan, that’s why I want them to witness a historic victory,” sabi ng 26-anyos mula sa General Santos City na si Dy.
Nagwagi naman si Jeremy Pacatiw sa kababayan na si Marc Alcoba, habang naungusan ni John Brewin ng New Zealand si Cian Cowley ng Ireland sa pamamagitan ng decision sa isa pang co-main event ng nine-match card.
Sa preliminary card, nagwagi si Harold Banario kontra Ariel Oliveros via submission (armbar) sa bantamweight class; tinalo ni Jayson Margallo si Rex de Lara via unanimous decision; nagwagi si Abdul Hussein kontra John Cris Corton via submission (ninja choke) sa featherweight; nanaig si Hussain Ayyad kontra Jason Vergara via submission (triangle choke) sa flyweight class at nagwagi si Jomar Pa-ac kontra Sataya Behuria ng Bahrain via unanimous decision.
Ang Brave 22 ay pinangangasiwaan ni His Highness Sheikh Khalid bin Hamad Al Khalifa ng Bahrain.