ANG katigasan ng ulo ng isang male personality ang pinakadahilan kung bakit palagi silang nagtatalo ng kanyang manager. Madalas ang kanilang argumento dahil sa ibang tao pa nalalaman ng manager ang pinaggagagawa ng kanyang alaga.
Matigas pa kuno sa bao ng niyog ang ulo ng male personality, wala na siyang pinakikinggan, dinadaan niya sa pagtakas ang kanyang mga kalokohan.
Kuwento ng aming source, “Tama naman ang point ng manager niya, kapag may trabaho siya kinabukasan, lalo na kapag maaga ang calltime niya, e, hindi siya dapat nagpapaumaga sa pag-uwi!
“Puwede naman siyang maglakwatsa sa ibang araw, pero huwag naman kapag may maaga siyang trabaho kinabukasan! Kaso, matigas talaga ang ulo ng male personality, wala siyang pakialam! Gagawin pa rin niya ang gusto niya!” simulang kuwento ng aming chikadorang impormante.
Bukod sa pagiging matigas ang ulo ay sinu-ngaling din kuno ang male personality, ‘yun ang dahilan kung bakit pinakawalan na siya ng nag-aalaga sa kanyang career, pinalaya na siya.
“Mahina ang control ng guy sa babae, kapag nainlabey siya, wasak na ang lahat-lahat, nakababad na siya sa laylayan ng girl! Wala na siyang pakialam sa career niya, umiikot na lang sa babae ang mundo niya!
“Ganu’n siya katindi. At nagsisinungaling pa siya, kiyemeng may dadalawin lang siyang kamag-anak sa probinsiya, pero ang totoo, e, kasama niya ang girl sa isang malayong lugar at ilang araw silang magkasama du’n!
“Maraming kadramahan ang male personality, napakarami niyang senaryong sinasabi sa manager niya, pero nabubuking din naman siya sa bandang huli na puro kasinungalingan lang ang mga kuda niya!
“Sayang ang male personality na ‘yun na hindi lang nakakaarte, magaling pa siyang sumayaw at kumanta, complete package siya kumbaga, pero hindi niya ‘yun nagagamit nang maayos dahil sa kawalan niya ng disiplina.
“Ayun, pinakawalan na siya ng manager niya, kesa nga naman sa ma-stress siya nang bonggang-bongga dahil sa kalokohan at kasinungalingan ng alaga niya, e, di pakawalan na lang niya!
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kilalang-kilala n’yo siya, sayang na sayang ang Mr. Pogi pa namang ito!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.