Krusyal na panalo target ng TNT kontra Alaska


Laro Ngayon (Marso 15)
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. Alaska vs TNT
7 p.m. Meralco vs Rain or Shine
Team Standings: Phoenix (8-2); Rain or Shine (7-3); San Miguel (6-3); TNT (5-3); Barangay Ginebra (4-3); Magnolia (3-4); Alaska (3-4); Columbian (4-6); NLEX (3-5); Meralco (3-5); NorthPort (2-5); Blackwater (2-7)

MAKUBRA ang ikaapat na diretsong panalo ang asinta ng TNT KaTropa kontra Alaska Aces habang hangad ng Rain or Shine Elasto Painters na manatili sa top two spot sa pagsagupa nito sa Meralco Bolts sa krusyal na bahagi ng 2019 PBA Philippine Cup ngayong Biyernes sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Makakasagupa ng KaTropa ang Aces sa alas-4:30 ng hapon sa opening game habang ang Elasto Painters ay makakaharap ang Bolts sa alas-7 ng gabi na main match.

Manggagaling ang KaTropa mula sa isang linggong pahinga at three-game winning streak na ang huli ay ang 127-89 panalo kontra Blackwater Elite noong nakaraang Sabado.

Ang panalo ay naglagay sa TNT sa solong ikaapat na puwesto sa hawak na 5-3 kartada na kalahating laro sa likod ng four-time defending champion San Miguel Beermen na may 6-3 record.

Target ng KaTropa na magtapos sa top two matapos ang 11-game elimination round at makakuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Ang Alaska ay magmumula naman sa 90-71 pagkatalo na pinalasap ng NLEX Road Warriors nong Miyerkules ng gabi.

Ang Aces ay nasa ikaanim hanggang ikapitong puwesto kasalo ang Magnolia Hotshots sa magkaparehong 3-4 karta.

Hangad ng Elasto Painters na putulin ang dalawang larong pagkatalo sa pagpuntirya sa ikawalong panalo sa kanilang huling laro sa elims kontra Bolts.

Pipilitin naman ng Meralco na makaangat mula sa ika-10 puwesto sa pagtumbok sa ikaapat na panalo.

Nahulog ang Rain or Shine sa 7-3 kartada matapos malasap ang 85-82 pagkatalo sa kamay ng Columbian Dyip.

Ang Bolts, na may 3-5 record, ay magmumula naman sa 126-123 panalo kontra North Port Batang Pier.

Read more...