ANAK man siya ng isang dating boxing champion nais patunayan ni Rolando Dy na kaya niyang gumawa ng sariling pangalan.
Ang 28-anyos at college degree holder mula Lyceum of the Philippines University na si Dy, na ang ama ay ang dating world champion na si Rolando ‘‘Bad Boy from Dadiangas” Navarrete, ay isa sa mga bibida sa isasagawa ng Brave Combat Federation na “Brave 22: Storm of Warriors” ngayong Biyernes, Marso 15, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
‘‘I’ll be honest, I was always an average student, I got my college degree because I had to. I was an average basketball player and an awful dancer. Fighting is what I really know, it’s what I love. Being able to be here and representing my country, back to Brave, it’s amazing,” sabi ni Dy, na nakatira ngayon sa Dasmariñas, Cavite at nagpakitang-gilas sa mga manonood sa ginanap na public workout Miyerkules ng gabi sa Newport Mall.
Sumikat ang ama ni Dy na si Navarrete noong 1981 matapos itala ang knockout win sa ikalimang round kontra Cornelius Edwards para makamit ang World Boxing Council (WBC) super featherweight title.
Makakalaban ni Dy ang Pakistani fighter na si Mehmosh Reza sa isa sa mga main card ngayong Biyernes ng gabi.
Ang Brave Combat Federation ay binuo ni Sheikh Khalid bin Hamad Al Khalifa ng Bahrain. Ito ay kinabibilangan ng mahigit 200 world-class mixed martial arts (MMA) fighters mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sasabak sa main event si Filipino champion Stephen Loman kontra French-Algerian challenger Elias ‘‘Smiling” Boudegzdame para sa bantamweight title habang ang co-main event ay katatampukan nina John Brewin ng New Zealander at Cian Cowley ng Ireland sa lightweight class.
Sa iba pang laban, magsasalpukan sina Jeremy Pacatiw at Ariel Oliveros sa bantamweight division habang magkakaharap sina Rex de Lara at Jayson Margallo sa isa pang bantamweight fight.
Sa mga flyweight bout, magkakasubukan sina John Cris Corton at Abdul Hussein; makakasagupa ni Jason Vergara si Hussan Ayyad at magsasalpukan sina Jomar Pa-Ac at Satya Behuria.