UMAKYAT na sa 47 porsyento ang mga Filipino ang gumagamit ng internet, ayon sa survey ng Social Weather Stations.
Mula sa 41 porsyento noong Setyembre, tumaas ng anim na porsyento ang mga nagsabi na sila ay gumagamit ng internet noong Disyembre.
Pinakamarami ang gumagamit ng internet sa National Capital Region na naitala sa 59 porsyento.
Sumunod ang iba pang bahagi ng Luzon (56 porsyento), Visayas (35 porsyento) at Mindanao (32 porsyento).
Pinakamarami ang gumagamit ng internet sa mga Class A, B, ay C (61 porsyento), sumunod ang Class D (49 porsyento) at Class E (34 porsyento).
Mas marami rin ang mga babaeng gumagamit ng internet (49 porsyento) kumpara sa mga lalaki (44 porsyento).
Ang age group na 18-24 taong gulang ang may pinakamalaking populasyon na gumagamit ng internet. Naitala ito sa 88 porsyento.
Sa age group na 25-34 taong gulang ang gumagamit ng internet sa kanila ang 69 porsyento, sumunod ang age group na 35-44 anyos (56 porsyento), at 45-54 anyos (32 porsyento).
Ang pinakakonti ay ang mga edad na 55 taong gulang pataas (17 porsyento).
Pagdating sa educational attainment, 77 porsyento ng mga nagtapos sa kolehiyo o may degree ang nagsabi na gumagamit sila ng internet. Sumunod ang umabot sa kolehiyo (60 porsyento), umabot sa high school (31 porsyento) at hanggang elementarya (15 porsyento).
Sa survey noong Hunyo 2006, ang nagsabi na sila ay gumagamit ng internet ay walong porsyento lamang.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,440 respondents mula Disyembre 16-19. Ang survey ay may error of margin na plus/minus 2.6 porsyento.