5 patay sa aksidente sa Quezon

LIMA katao ang nasawi sa magkakahiwalay na aksidente Maharlika Highway sa lalawigan ng Quezon nitong Martes, ayon sa pulisya.

Tatlo sa mga nasawi’y pawang mga sakay ng dump truck na sumalpok sa isang gusali sa Brgy. Zone 1, Atimonan dakong alas-5:10 ng umaga, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Patungo sa direksyon ng Bicol ang trak nang mahagip ang isang liwasan, tricycle, at dalawang motorsiklo, bago ito tuluyang sumalpok sa Joemix building.

Naipit sa loob ng unahan ng trak ang driver at dalawang kasama nito. Agad rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection pero inabot nang ilang oras ang paghugot sa tatlo, dahil sa matinding pagkakawasak ng unahan ng trak

Sa video ng BFP-Atimonan, madidinig na nakausap pa ng mga bumbero ang isa sa mga naipit na sakay ng trak, pero kinalauna’y namatay din ito. Sugatan naman ang driver ng tricycle na nahagip ng trak.

Sinasabing nawalan ng kontrol ang truck driver sa sasakyan habang binabagtas ang isang pababang kurbada. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga sakay nito.

Dakong alas-8:30 ng umaga, isang 11-anyos na binatilyo ang nasawi at sugatan ang kanyang ama nang mahagip sa karambola, na kinasangkutan ng dalawa pang trak, ang kanilang motorsiklo sa bahagi highway na sakop ng Brgy. Lalig, Tiaong.

Dead on the spot ang binatilyong si Reggie Dones habang sugatan si Sixto Dones, 46, na nagmaneho sa motor.

Unang nahagip ng isang Isuzu wing van ang kanilang motorsiklo, at naitulak ito sa direksyon ng kasalubong na Mitsubishi Canter.

Matapos iyo’y nasalpok naman ng Canter ang gilid ng isang Mitsubishi L300 van.

Sa bayan ng Sariaya, nasawi ang 64-anyos na si Romeo Mecija nang mahagip ng isang jeepney ang sinakyan niyang motorsiklo sa bahagi ng highway na nasa Brgy. Santo Cristo, dakong alas-4:30 ng hapon.

Itinakbo pa sa ospital si Mecija, ngunit binawian ng buhaw alas-5:22. 

Read more...