SISIMULAN na ng Philippine Statistics Authority ang pagpaparehistro sa unang batch ng mga bibigyan ng national ID system.
Sinabi ito ng PSA sa pagdinig ng House Oversight Committee on Population and Family Relations kaugnay sa pagpapatupad ng Philippine Identification System.
Lalabas ang ID ng unang batch sa Setyembre.
“I am happy that it’s all systems go for the National ID system based on the timeline they have presented to us this morning,” ani Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Sinabi ni Atty. Lourdines dela Cruz, Deputy National Statistician ng PSA na anim milyon ang unang batch ng mga bibigyan ng national ID.
Ang unang batch ay bubuuin ng mga mahihirap, people with disabilities at mga empleyado ng gobyerno.
Kukunin sa PhilSys ang biometrics (thumbprint, iris and face scanning), buong pangalan, kasarian, araw at lugar ng kapanganakan, blood type, address, at kung ang kumukuha ay Pilipino o resident alien.
Magiging optional naman ang marital status, mobile number at email address.
Kapag naberepika ang mga impormasyong ibinigay ng isang aplikante, gagawan na ito ng ID.
Ang bagong ID ay libre at ang kukuha ay bibigyan ng permanenteng PhilSys Number.
Sa 2022 ay inaasahang aabot na sa 100 milyon ang mga Pilipino at dayuhan na may PhilSys ID.