TUMAAS ang bilang ng mga nasisiyahan sa Duterte government, ayon sa survey ng Social Weather Stations noong Disyembre.
Mula sa pinakamababang 50 porsyento noong Setyembre, tumaas ang net satisfaction rating ng Duterte administration sa 66 porsyento.
Ang pinakamataas na net rating ng kasalukuyang gobyerno ay 70 porsyento na naitala noong Disyembre 2017.
Pinakamataas ang rating ng gobyerno sa pagbibigay ng proteksyon sa mga kababaihan (71 porsyento), na sinundan ng pagpapagawa at pagsasaayos sa mga imprastraktura (70 porsyento).
Sumunod naman ang patulong sa mga mahihirap (68 porsyento), pagtatanggol sa karapatang-patao (62 porsyento), pagtatayo muli sa Marawi City (60), paglaban sa terorismo (55), pagiging transparent ng gobyerno sa ginagawa nito (54), at mabilis na pagdedesisyon (50).
Nakakuha naman ang gobyerno ng 44 porsyento sa paglaban nito sa krimen. Sumunod ang pakikipagkasundo sa mga rebeldeng Muslim (43), paglaban sa katiwalian sa gobyerno (42), pagtatanggol sa teritoryo ng bansa (40), pakikipagkasundo sa rebeldeng komunista (39), pagsunod sa kasunduang pinasok sa ibang bansa (39), pakikipag-ugnayan sa ibang bansa (38).
Pinakamababa naman ang naitala ng gobyerno sa pagtiyak na walang pamilyang magugutom (28 porsyento) at pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng bilihin (14 porsyento).
Ginawa ang survey mula Disyembre 16-19 at kinuha ang opinyon ng 1,440 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 2.6 porsyento.