“HUWAG na lang siguro.” Ito ang diretsong sagot ni John Estrada sa tanong kung gusto pa ba niyang makatrabaho uli si Mylene Dizon.
Naging kontrobersyal ang dalawa matapos ang kanilang “sampalan scandal” last year habang ginagawa ang seryeng The Good Son sa ABS-CBN. Balitang nag-away sila sa taping hanggang sa sampalin umano ni Mylene si John.
Dahil dito, pinatay ang karakter ni John sa serye at lumipat nga ng GMA. Matapos magkontrabida sa Victor Magtanggol ni Alden Richards, napapanood siya ngayon sa Kara Mia. At ngayong nagbabalik-Kapuso uli si Mylene, ano ang naging reaksiyon ng aktor?
“Sinabi sa akin yun, at ako naman, e…may pamilya yung tao, siyempre hindi naman tayo…I mean trabaho ‘yan, e! I’m sure kailangan niya ng trabaho, di ba?” pahayag ni John sa ginanap na special celebrity screening ng bago niyang pelikula, ang “The Last Interview: The Mayor Antonio Halili Story” sa SM City Lipa, Batangas.
Kasali si Mylene sa cast members ng bagong Kapuso primetime series na Sahaya na pinagbibidahan nina Bianca Umali at Miguel Tanfelix.
Birong tanong kay John ng isang reporter, hindi ba niya hinarang ang pagbabalik ni Myene sa GMA?
“Hindi, hindi po tayo ganu’n! Wala po tayong ganyan. I’m too blessed to do that.”
Sunod na tanong sa aktor, paano kung pagsamahin sila ng GMA sa isang proyekto? “Huwag na siguro,” ang mabilis na sagot ni John. Dugtong niya, “Hindi naman sa ayaw, pero huwag na, di ba? Marami naman diyan na puwede niyang makasama at puwede kong makasama, di ba?”
Samantala, pinalakpakan naman ng mga nanood sa celebrity screening ng “The Last Interview” ang pelikula na idinirek ng broadcast journalist na si Ceasar Soriano under GreatCzar Media Productions. Si Mayor Halili ay nakilala sa buong bansa sa kanyang drug campaign kung saan ipinaparada niya sa kalye ang mga nahuhuli nilang kriminal.
Puring-puri ng audience ang acting ni John bilang si Mayor Antony Halili, ang alkalde ng Tanauan, Batangas na pinatay noong July 2, 2018 sa flag-raising ceremony sa mismong harap ng Tanauan City Hall.
Kuhang-kuha talaga ng aktor ang pagsasalita at iba pang mannerisms ng pinaslang na mayor. Marami na ang nagsabi na pwedeng manalong best actor si John sa proyektong ito.
Naging kontrobersyal ang buhay ni Halili noong nabubuhay pa siya at naglilingkod sa Tanauan. Sa pelikula ipinakita ang naging buhay ng pinaslang na alkalde mula pagkabata hanggang sa patayin na nga siya habang nasa flag ceremony. Tinutukan din ng movie ang kanyang love story at kung paano niya nilabanan ang mga kriminal sa kanilang lugar.
Kasama rin sa movie sina Ara Mina bilang si Gina Halili, asawa ni Mayor Halili, Ceasar Soriano as himself, Michael Flores as Mark Halili, Phoebe Walker bilang Angeline Halili, Kenneth Paul Cruz as Howard Halili, JM Soriano bilang Anti-Crime Head, Martin Escudero as the young Thony, Kate Alejandrino as young Gina, Zandra Summer as Nancy, Yayo Aguila as Thony’s mother, and Mon Confiado as Thony’s father.
May special participation din dito sina Archie Adamos, Mark Dionisio at Kiko Matos. Showing na ang “The Last Interview” sa mga sinehan nationwide simula May 22.