INAMIN ni Edgar Allan Guzman na hangga’t maaari ay hindi muna siya tatanggap ng gay role sa teleserye o pelikula.
Kumalat kasi ang balita na isang proyekto ang tinanggihan ni Edgar Allan dahil bading ba naman ang kanyang role at isa raw ito sa dahilan kung bakit umalis na siya sa pangangalaga ng dati niyang manager na si Noel Ferrer.
Nasa kuwadra na ngayon ni Arnold Vegafria si EA at co-manage ng GMA Artist Center.
Narito ang paliwanag ng aktor nang makachikahan ng entertainment media sa presscon ng bago niyang serye sa GMA, ang Dragon Lady, “Si Sir Noel naman ang isang manager na kukunin niya ang opinyon mo.
Irerespeto niya kung ano ang desisyon mo at sasabihin niya rin kung ano ang tingin niya sa project.
Sobrang detalyado rin niyang tao at para sa akin, hindi naman po yun ang reason. Ako naman po kasi, self-realization ang nangyari sa akin. Hindi na ako bumabata, tumatanda na rin ako,” lahad niya.
“Kumbaga, gusto ko lang magtrabaho nang malinis. Wala akong iisipin na baka ganito o masabi na ganito. Para sa akin, gawain lang ng isang bata yun.
“Matanda na ‘ko, 29 na ‘ko, magti-30 na. Gusto ko lang magtrabaho nang malinis. Sarili ko lang ang iintindihin ko muna,” pahayag ng binata.
Sabi pa niya, “Para sa akin, gusto ko lang din ng siguradong trabaho, siguradong buhay kasi nga 29 na ‘ko. Ayoko rin nu’ng parang naglalaro lang.”
Ganu’n ba ang napi-feel niya sa kanyang career, “Hindi naman. Kumbaga, self-realization. Hindi ko naman siya tinutulad na dati, ganu’n.
“May mga instances na ganu’n, pero the whole time, hindi naman. And, ayoko na siyang maulit. Gusto ko naman na magkaroon ako ng desisyon para sa sarili ko,” aniya pa.
Tungkol naman sa desisyon niyang huwag munang gumanap na beki sa kahit anong proyekto, totoo raw ito. Ang last gay role niya ay sa pelikulang “Dedma Walking” kung saan nanalo siya ng mga award.
Paliwanag ni EA, “Ang pag-stop ko na gumanap ng gay roles, ayaw lang naming ma-typecast. Kumbaga, okey na yung i-savour yung moment na nanalo ako ng award sa pagganap ko bilang isang bakla.
“Para sa akin, gusto ko munang maalala ng tao na nanalo siya ng award dun kasi magaling siya,” aniya pa. Pero sabi ng binata, hindi niya isinasarado ang pinto para rito.
“Kung may magandang material, why not, pero this time, as of now, gusto ko munang ipakita ang ibang side ko sa mga tao. Gusto kong ipakita na kaya kong umarte na leading man, lalaki, kung ano man ang puwede kong gawing role,” aniya pa.
Samantala, isa na namang challenge ang haharapin ni EA sa bagong afternoon prime series ng GMA, ang Dragon Lady kung saan ginagampanan niya ang karakter ni Goldwyn Cheng, isang business tycoon.
“Chinese po ako rito, isang businessman, mayaman, maayos ang buhay, kagalang-galang. Papasok sa akin si Janine (Gutierrez) bilang executive rin. Kakalabanin ko siya, mamaliitin ko siya and eventually, doon ako mai-in love,” kuwento ng Kapuso actor.
Siya ang makakaagaw ng karakter ni Tom Rodriguez sa puso ni Janine bilang dragon lady. Napapanood ito tuwing hapon after Eat Bulaga.