Miyembro ng Salisi gang arestado sa Naia Terminal 3

NAIA

ARESTADO ang isang miyembro ng Salisi gang na bumibiktima sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa Ninoy Aquino International Airport (Naia).

Kinilala ni Manila International Airport Authority (Miaa) General Manager Ed Monreal ang suspek na si Rey John Manglay, 24.

“Ang modus po nito is nakikipag-kaibigan sa mga bagong dating na pasahero lalo na ang ating mga kababayan na OFW,” sabi ni Monreal.

Idinagdag ni Monreal na umabot na sa mahigit 20 OFWs ang nabiktima ni Manglay.

Naaresto si Manglay ganap na alas-8 ng gabi sa Naia terminal 3.  Nakilala ang suspek ng mga otoridad sa pamamagitan ng CCTV footage at the terminal.

Nag-ugat ang pag-aresto kay Manglay matapos ang reklamo na inihain ni Harija Panayaman Hamsa, isang household worker sa Kuwait.

Idinagdag ni Hamsa na sinalubong ni Manglay ang biktima sa Naia terminal 1 at sinamahan sa terminal 3. Nang magpunta sa bathroom, iniwan niya ang mga gamit kay Manglay.  Ninakaw naman niya ang mga gamit ng biktima na nagkakahalaga ng P200,000.

Sinabi ni Monreal na gumagamit si Manglay ng iba’t ibang pangalan sa pagsasagawa ng modus operandi.
Inihahanda na ang mga kaso laban kay Manglay.

Read more...