NANGAKO ang Palasyo na iimbestigahan nito ang kawalan ng kahandaan ng Manila Water matapos naman ang nararanasang water interruption sa maraming lugar sa Metro Manila.
Sa isang briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na nababahala ang Palasyo sa patuloy na nararanasang kawalan ng suplay ng tubig sa maraming lugar.
“Siyempre, we are always concerned with respect to any problem affecting the welfare of the people,” sabi ni Panelo.
Tiniyak pa ni Panelo ang magiging agarang aksyon ng pamahalaan.
“Yes, we will respond to that. Pero ang problema yata eh ang tubig eh manggagaling sa langit; walang ulan, pag walang ulan papano, baka mag—mag-aantay tayo,” ayon pa kay Panelo.
Idinagdag ni Panelo na suportado niya ang panukala na mag-cloud seeding sa palibot ng La Mesa Dam para masolusyunan ang kakapusan ng tubig.
“In fact, iyon ang naiisip ko kung bakit hindi gumagawa ng cloud seeding. Di ba usually ganyan ang ginagawa noon?,” ayon pa kay Panelo.
Tiniyak naman ni Panelo na iimbestigahan ang kakulangan sa paghahanda ng mga kumpanya ng tubig.
“We will look into that,” ayon pa kay Panelo.