TINANGGAL ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) nitong Biyernes si 29th Southeast Asian Games multi-gold medalist Anthony Trenten Beram dahil sa hindi pagtalima sa kautusan ng asosasyon at bilang pagdidisplina dito.
Sinabi ni Patafa president Philip Ella Juico na hindi sila manghihinayang na mabawasan ang tsansang magwagi ng mga gintong medalya sa gaganaping 30th SEA Games sa bansa kung mayroon silang miyembro na lumaki na ang ulo.
Sinabi ni Juico na inalis nila ang University of Connecticut math student na si Beram sa pool bunga ng hindi pagsunod sa asosasyon at hindi pagsali sa katatapos na 2019 Ayala Philippine Athletics Championships na ginanap sa City of Ilagan Sports Complex sa Ilagan, Isabela na isang national pool at SEA Games qualifying event.
“Wala eh. He is not around and technically, as far as we’re concerned, he’s out of the team,” sabi ni Juico. “I gave him a deadline up to February 20 and he did not respond, ni-ha, ni-ho, ni anino, wala eh.”
Ipinaliwanag pa ni Juico na ang paglahok sa nasabing event ay basehan ng Patafa para sa lahat ng mga national athlete, kabilang na si Beram, para manatili, makasama at maalis sa national team.
“Isa ang kada taong torneo na standard basis para sa mga magiging miyembro ng pambansang koponan at pagbabasehan ang kanilang ipapamalas na oras upang madetermina ang kanilang tsansa na makapagwagi ng gintong medalya sa kada dalawang taong SEA Games,” sabi pa ni Juico.
“We’re just hoping that he comes into his senses but it might be too late. He has personal involvements which has distracted him in training. So delikado ‘yung letter L. ‘Yung LOVE.”
Sinabi pa ni Juico na ilang beses na niya at ng coaching staff na tinawagan si Beram subalit hindi ito sumasagot.
“Communication has been ongoing. Pero whether kung sumasagot, it’s another thing. Ako nga, ako na mismo eh hindi niya sinasagot sa Whatsapp, sa email. Sabi ko aba, ako na tumawag. Di pa rin sinasagot,” dagdag pa ni Juico.
Matatandaan na si Beram ay nag-ambag ng dalawang ginto sa kanyang unang pagsabak para sa national track team sa 29th SEA Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2017.
Nagwagi siya sa 200-meter dash kung saan nagtala ito ng bagong national record na 20.84 segundo. Isinunod niya dito ang 400m dash sa itinalang oras na 46.39 segundo bago nanalo ng tanso sa 4×100 relay team sa itinalang oras na 39.11 segundo na isa ring bagong national record.