UMAASA ang TV host-comedian-rakista na si Teddy Corpuz na susuportahan ng kanyang mga kasamahan sa Showtime ang launching movie niyang “Papa Pogi” mula sa Regal Films.
Showing na ito sa March 20, sa direksyon ng isa ring magaling na komedyante at host, si Alex Calleja.
Sa grand mediacon ng “Papa Pogi”, natanong si Teddy kung magtatampo ba siya kung pagdadamutan siya ng suporta ng mga taga-Showtime, “Hindi naman ako magtatampo, maglalabas lang ako ng mga cards ko, yung mga alas ko. Di ba ganu’n naman?
“Nagpunta ako nu’ng birthday mo, bakit ngayon na birthday ko hindi ka nagpupunta sa akin? So puwede namang ganun di ba? Na-invite ko na sila pero wala pa kasing venue yung premiere. Pero sinabi ko na, ‘Guys March 18 ah, sana makapunta kayo. Wala pang venue, baka sa Tuguegarao. Hahahaha!” biro ni Teddy.
Aniya, sana raw ay tumanaw ng utang na loob kahit paano ang mga kaibigan niyang celebrities at tulungan siyang mag-promote ng “Papa Pogi”, “Oo siyempre kasi parang first movie ko tapos kumbaga magkakapatid kaming lahat. Parang, ‘Uy, magkakapatid tayong lahat dito. Sinuportahan ko kayo nung dati ah.’ Hindi man ganu’n kalaki yung market ko or yung pull ko sa social media pero sumoporta ako, nandu’n ako premiere night, red carpet, nanood pa ako isang beses ulit.”
Hirit pa niya, “Parang ngayon ko lang na-realize na parang ang sarap pala ng ganu’ng feeling siguro na pupunta yung mga kapatid mo sa Showtime. Sana pumunta kayo Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Billy Crawford, si Tiyang Amy (Perez) baka busy pero okay din na nandu’n si Tiyang. Si Karylle nandu’n ako nu’ng kasal susme, si Anne nandu’n din ako nu’ng kasal sa New Zealand. Ang layo. Sarili mong pera yung pamasahe mo susme.
“Kunwari ito kung Trinoma lang hindi ka makapunta? Susme naman Anne Curtis. Ilang minuto lang yun. Ito, ilang araw ka mawawala kasi may flight ka pa sa New Zealand tapos magkano pa yung pamasahe mo. Economy lang kami susme ang liit-liit lang nu’ng leg room. Dalawa pa kami ng misis ko. O, para akong siguro hindi lang anim na block screening ang ginastos ko. So lahat yun, sina Anne, sila Vhong, kahit si Empoy tropa ko yun,” pakiusap pa ni Teddy.
Very positive naman ang singer-comedian sa magiging resulta sa takilya ng “Papa Pogi dahil talagang itinodo nila ang kanilang 100% sa movie, “Yung expectations ko siguro, na kay Lord na lang yun.
“Parang, kung may maipagmamalaki ako, siguro yung faith ko with God, make or break with this film, it will remain solid pa rin. Sinasabi ko yun kay Empoy na lahat may perfect timing kung ano yung ibigay sayo ni Lord,” hirit pa ni Teddy nang humarap sa mga member ng entertainment press.
Ka-join din sa movie sina Donna Cariaga, Myrtle Sarrosa, Lassi, Dawn Chang, Joey Marquez, Hashtags Zeus, Nikko and Luke, at marami pang iba. Showing na ito sa march 20 nationwide mula sa Regal Films.
Sasagutin ng pelikula ni Teddy kung totoo nga ba ang kasabihan ngayo na, “pangit is the new pogi.”