Tatay ni Alden naghamon: Ebidensiya ilabas kung totoong bading ang anak

Kahit naman sinong magulang ay mapupuno kapag masyado nang sinasaktan ang kanyang anak. Okey lang ang mga personal na pamimintas pero kapag sobra na ay kailangan na talagang kalusin.

Naging maganda ang pakikitungo ng ama ni Alden Richards sa lahat, malaking tulong sa career ng Pambansang Bae ang patuloy na pagsuporta ng kanyang ama, pinadadali nito ang mga bagay-bagay para sa kanyang mga tagahanga.

Pero may mangilan-ngilan talagang walang magawa na maganda sa buhay, kaya namumuwisit na lang ng mga artista, mga wala sa hulog kung makapag-post laban sa mga personalidad.

Tulad ni Alden, palibhasa’y sikat ang binatang aktor ay siya ang ginagawang sentro ng pambabastos ng mga trolls, kinukuwestiyon ang kanyang pagkalalaki.

Na para bang kaya lang nag-artista si Alden ay para lang mangoleksiyon ng girlfriend. Na para bang si Maine Mendoza na ang simula at wakas ng kanyang career.

Hindi raw leading lady ang kailangan ni Alden kundi leading man, ‘yun ang komentong nagpasilakbo sa dugo ni Mr. Richard Faulkerson, dahil sobra na nga namang pambabastos ‘yun sa kanyang anak.
Natural, ipinagtanggol si Alden ng kanyang ama, hinamon ang nagkomento na patunayan nito ang kanyang sinasabi.

Hanggang ganu’n lang naman ang mga trolls, mema lang, may masabi lang. Pero kapag hinahamon na ay biglang nawawala na ang account sa mapa ng social media.

Read more...