PASADO na sa bicameral conference committee ang Murang Kuryente bill na inaasahang magpapababa sa singil sa kuryente ng may 16 milyong pamilya.
Ayon kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, may akda ng panukala at chairman ng House committee on energy, mayroon malaking pagkakautang ang national Power Corp., at sinisingil ito sa mga kustomer buwan-buwan.
Kapag naipatupad ang panukala makababawas ito ng P172 sa bawat pamilya na kumokonsumo ng 200 kilo watt hour kada buwan.
“This will lighten the burden of Filipinos from the high cost of electricity without hurting the government coffers,” ani Velasco.
Sa ilalim ng panukala, gagamitin ang P208 bilyong net government share sa Malampaya fund upang mabayaran ang stranded contract costs at stranded debts ng NPC.
Ang stranded contract costs ay ang kinontratang kuryente ng NPC sa mga independent power producer. Ang stranded cost naman ay ang natirang utang ng NPC matapos na ibenta ang mga ari-arian nito.
Sa kasalukuyan ang ibinabayad sa stranded contract costs at stranded debts ay ipinapasa sa mga kustomer sa ilalim ng universal charge. Sa universal charge din sinisingil ang pondong kailangan sa missionary electrification at environmental fund.
Inaasahan na mararatipika ang panukala sa pagbubukas ng sesyon matapos ang eleksyon.