Cristine, Erich, Anne perfect sa Pinoy version ng Charlie’s Angels

CRISTINE REYES, ERICH GONZALES AT ANNE CURTIS

Sa ginanap na advanced screening ng “Maria” sa UP Film Center nitong Miyerkules ay hangang-hanga ang lahat ng nakapanood sa galing ni Cristine Reyes.

Oo nga, habang pinapanood namin ang pelikula ay panay ang iling namin at napapaigtad din kami sa mga eksenang nakikipagbakbakan ang aktres kaya panay ang sambit namin ng “hayop!” dahil hindi namin naisip o na-imagine na kaya pala ng aktres ang hard action na ang layo sa mga ginampanan niyang karakter sa kanyang past movies.

Ang liksing kumilos ni AA (tawag kay Cristine) at ang ganda ng abs niya kaya bagay sa kanya ang maging action star. Bilib din sa kanya ang direktor ng “Maria” na si Pedring Lopez dahil game na game si Cristine sa mga delikadong eksena.

Pakiramdam nga namin ay nanonood kami ng foreign film na pinagbibidahan ni Angelina Jolie o nina Milla Jovovich, Michelle Yeoh, Uma Thurman, Michelle Rodriguez, Jennifer Garner at Kate Beckinsale.

Kuhang-kuha kasi ni Cristine ang istilo ng mga nabanggit naming Holylywood female action stars padating sa mixed martial arts.

Puwedeng-pwedeng makipagsabayan si Cristine sa kanila, sana nga ay mapansin ang aktres sa Hollywood at kahit support ay mapasama siya sa mga action movies ng kilalang international stars.

O, kaya naman gumawa ulit ng action movie si direk Pedring at pagsama-samahin niya sina Erich Gonzales (We Will Not Die Tonight), Anne Curtis (BuyBust) at Cristine na mala-“Charlie’s Angels” ang tema.

Anyway, binigyan ng Grade B ng Cinema Evaluation Board ang “Maria.” Pero ano kayang rating ang ibibigay ng MTRCB sa movie dahil matitindi rin ang patayan at iba pang violent scenes dito?

Palabas na sa mga sinehan ang “Maria” simula Marso 27 mula sa Viva Films at sinisiguro namin sa inyo na bibilib din kayo sa galing dito ni Cristine.

Read more...