Singil ng Meralco tataas

Meralco

MAGTATAAS ng singil ang Manila Electric Company ngayong buwan.

Tataas ang singil ng P0.0894 kada kiloWatt hour o mula P10.4067 kada kWh ay magiging P10.4961 kada kWh.

Nangangahulugan ito ng dagdag na P18 sa mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

Ang pagtaas ang bunsod ng mas mahal na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market. Tumaas ito P0.5178 kada kWh bunsod ng mataas na demand sa kuryente at pagkakaroon ng problema ng ilang planta.

Tumaas naman ng P0.0549 kada kWh ang kuryente mula sa Independent Power Producers.

Ang transmission charge sa mga residential customers ay tumaas din ng PhP0.0288 kada kWh.

Ang buwis at iba pang bayarin ay tumaas naman ng P0.3572 dahil natapos na noong nakaraang buwan ang refund sa Universal Charge-Stranded Contract Costs.

Bumaba naman sa P5.5973 kada kWh ang generation charge mula sa P5.8939 kada kWh noong Pebrero. Ang pagbaba ay dulot ng mas mababang singil ng mga planta sa ilalim ng Power Supply Agreements bunsod ng mas malakas na piso kontra dolyar at pagbabalik sa operasyon ng Masinloc Unit 1 at San Gabriel.

Read more...