Wala nang libre ngayon!

WALANG OFW ang nakaalis ng bansa nang walang anumang ginastos.
Talagang may pagkakagastusan ang isang OFW. Tulad din ng ibang mga naghahanap ng trabaho, namumuhunan din sila.
Kung lokal na patrabaho sa bansa, kinakailangan nilang mag-apply. Gagawa sila ng kanilang mga bio-data. Magpapakuha ng litrato. Kukuha ng kopya ng kanilang mga birth certificate, marriage certificate, police clearance, NBI clearance at iba.
Saka sila magtutungo sa mga tanggapan o kumpanyang napiling pag-aplayan. Siyempre pa, dapat presentable. Isusuot niya ang pinakamaayos niyang damit upang kahit papaano, hindi pa man siya nagsasalita, dagdag-puntos na agad iyon sa kanyang potential employer.
Sa bawat alis ng kanilang tahanan, gastos na agad iyon. Dapat may perang pamasahe man lamang at kaunting pangkain, bukod pa sa mga babayaring mga dokumento.
Ganyan naman talaga kapag naghahanap ng trabaho. Nag-aaplay pa lamang, marami nang gastos.
E di lalo pa kung nagnanais magtrabaho bilang OFW. Pag nagsimula na siyang maglakad ng kanyang mga dokumento, simula na ang patak ng metro ng mga gastusin.
At higit sa lahat, may placement fee na binabayaran pa sa mga recruitment agencies na pinag-aaplayan na minsan ay labis-labis pa kung maningil.
Kung hindi naman naging maingat ang OFW, maaaring maloloko pa siya ng illegal recruiter at pagkalaki-laking halaga ang kaniyang ibabayad sa mga iyon, ngunit wala namang mangyayari sa kanyang application.
Papangakuan siya ng kung anu-ano hanggang sa nagtatagal na ang kanyang paghihintay pero patuloy pa ring umaasa na makakaalis siya kahit umano natatagalan.
May mga bumibilang pa ng taon bago nila matanggap sa mga sariling nabiktima na pala sila at naghihintay sa wala.
Iyan ang nakalulungkot sa mga nalolokong OFW. Palibhasa mabilis maniwala sa mga matatamis na pangako, hindi na nila aalamin kung tama ba ang proseso ng kanilang application.
Mabilis na madadala sila sa panghihikayat ng mga illegal recruiter kung kaya’t pakiramdam nila, sunud-sunuran na lamang sila sa bawat ipagawa ng mga iyon sa kanila.
Kahit magkano ang hingin, gagawa at gagawa sila ng paraan na makapag-produce nang naturang halaga upang may maibayad sa kanilang recruiter.
Sa panig naman ng recruiter, mamadaliin naman nilang magbigay ang potensiyal na biktima at sasabihin sa kanilang baka maunahan pa sila ng iba, dahil marami ang nagnanais mag-apply sa trabahong iyon.
Pikit-matang aayon na lamang ang biktima at hindi nito matatanggap sa sariling niloloko na pala siya o naloko na pala siya. Kaya naman maraming mga aplikante ang nabaon sa utang dahil sa mga ginastos nila pambayad sa illegal recruiter.
Maging maingat sa bawat pag-aaply. Sundin ang legal na proseso. Pero kapag may nagyaya sa isang aplikante na libre ang lahat, mas matakot kayo roon, dahil tiyak may kapalit ang libreng application ng OFW. Tiyak na kapahamakan ang naghihintay sa inyo kung papatulan ninyo iyan.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com.

Read more...