UV Express dapat pansinin

NAGSALITA na si Pangulong Duterte. Kung meron siyang pangako na napako, ito ang pabilisin ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Kung anu-ano na ang naisip na gawin ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para masolusyunan ang problemang ito at nang hindi mapako ang pangako ng Pangulo.
Hindi maikakaila na madaming tao ang bumili ng sasakyan dahil ang hirap makipagsiksikan sa mga pampublikong transportasyon.
At sa dami ng sasakyan ay hindi lang sa EDSA matrapik.
May ginawa na sa mga bus—tinayuan ang common terminal para hindi na makisiksik sa Metro Manila ang mga bus na galing probinsya.
Ipinatutupad na rin ang modernisasyon ng mga jeepney kasabay ng pagsasaayos ng kanilang mga ruta para maiangkop ito sa dami ng pasahero.
Pero ang hindi napapansin ay ang mga UV Express.
Parang nagkalimutan na, na ang intensyon ng UV Express ay palitan ang FX taxi na bumibiyahe na parang mga jeepney.
Nakakadagdag kasi sa trapik ang madalas na paghinto ng mga FX taxi sa pagsakay at pagbaba ng pasahero.
Ginawa ang UV Express franchise noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Malacanang para point-to-point ang biyahe.
Hindi sila magsasakay at magbababa kung saan-saan kundi sa magkabilang dulong terminal lang. Sa ganitong paraan ay mas marami ang maeenganyo na sumakay dahil mas mabilis ang biyahe kumpara sa jeepney kahit na mas mahal ang pamasahe.
Bakit hindi kaya ipatupad ng mahigpit ang panuntunang ito para hindi na dumagdag ang mga UV Express sa pagsikip ng daloy ng trapiko lalo at may mga driver na utak jeepney na rin—hindi tumatabi ng maayos para hindi maka-over take ang kalabang UV Express. Andami ring UV Express na nakipagkarerahan sa mga patok na jeepney ng Montalban.
Nakakapagtaka rin na hindi hinuhuli ang mga UV Express na ito kahit na obvious na may paglabag sa kanilang prangkisa.
May mga UV Express din akong nakikita na kulay berde ang plaka. Public Utility sila kaya di ba dapat kung dilaw ang plaka?
Yung iba naman hindi ikinakabit ang kanilang plaka kahit na nakuha na ito at ang ginagamit pa rin ay ang kanilang conduction sticker para makaiwas sa sita.
Meron naman na ipinagpapalit-palitan ang plaka para iwas sa number coding. Kapag natapat na coding sa plaka inaalis at ang inilalagay ay ang temporary plate kung saan nakasulat ang conduction sticker para makabiyahe. Kapag ang sakop naman ng coding ang conduction number ikakabit ang plaka.

Read more...