PALAPIT na ang Phoenix Pulse Fuel Masters sa pagsungkit ng Top 2 spot matapos ang elimination round ng 2019 PBA Philippine Cup at ito ay dahil na rin sa matinding paglalaro ni Calvin Abueva.
Pinangunahan ng dating PBA Rookie of Year ang opensa ng Phoenix para maitala nito ang magkasunod na panalo kontra NorthPort Batang Pier at Alaska Aces para mauwi ang kanyang unang Cignal-PBA Press Corps Player of the Week award para sa period na Pebrero 27-March 3.
Nagsumite ang 31-anyos na si Abueva ng mga average na 17.5 puntos, 11.5 rebound, 2.0 assist at 1.0 block para tulungan ang Phoenix na maagaw ang solong liderato sa team standings sa 7-1 record.
Ang pitong beses na PBA All-Star na si Abueva ay gumawa ng 14 puntos, pitong rebound at dalawang assist para pamunuan ang Phoenix na matakasan ang NorthPort, 98-96, noong Pebrero 27.
Makalipas ang dalawang araw, kumamada si Abueva ng 21 puntos, 16 rebound, dalawang assist at isang shotblock para pamunuan ang Phoenix sa 94-80 pagwawagi kontra Alaska.
Ang panalo ay opisyal namang sumelyo sa pagpasok ng Phoenix sa quarterfinals.
Tinalo ni Abueva para sa lingguhang parangal ang mga kakampi niya sa Phoenix na sina Matthew Wright at Justin Chua, ang mga Blackwater Elite forward na sina Allein Maliksi at Mac Belo at Magnolia Hotshots guard Jio Jalalon.