PINAGPISTAHAN sa isang malaking umpukan ang mga ginagawa ngayon ng isang young male personality. Nakilalang mapagkumbaba at marespeto siya nu’ng una pero ngayon ay nagdidispley na siya ng kakaibang ugali.
Parang pumapasok na raw ang hangin sa ulo ng young male personality, mukhang nalulunod na siya sa isang basong tubig, at marami pang ibang paglalarawan kapag yumayabang na ang isang artista.
Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Hindi naman siya ganyan dati, marespeto siya at humble. Kaya nga maraming nagkagusto sa kanya. Pero ngayon, e, mukhang nagbabago na ang ugali ng bagets na ‘yun!
“Hindi kaya dahil marami na siyang pera at ang akala niya, e, habambuhay na siyang mabubuhay nang masagana? Aysus, dapat niyang malaman na hindi pa sapat ang meron siya ngayon!
“Sandaling panahon lang, lalo na kung hindi na siya sikat at wala nang work, mauubos din agad ‘yun!” paalala ng source sa mukhang may kahambugan nang young actor.
May isang miron namang nagbigay ng impormasyon na idolo pala ng bagets actor na ito ang isang sikat na young male perso-nality na foreigner.
“Idol pala niyan kasi ang banyagang performer na ‘yun, e! Ginagaya siguro niya ang mga pinaggagagawa nu’ng bad boy na foreigner!
“Nasaan na ba ngayon ang iniidolo niya, di ba, sumasailalim sa isang matinding gamutan dahil naapektuhan na ang utak niya? Puro nega ang pinaggagagawa ng foreign perso-nality na ‘yun, umakyat na ang hangin sa ulo niya, kaya pati audience niya kapag meron siyang show, minumura niya!
“May nagpapa-picture sa kanya, tatakbuhan niya, may kasama pang pagmumura ‘yun, dahil ang feeling nga ng hunghang na ‘yun, e, pinakasikat na siya sa buong mundo!
“’Yun ba ang ginagaya ng bagets actor na iba na ang ipinakikitang ugali ngayon? Para na siyang hari, ayaw natatanong, ayaw nauurirat, samantalang may issue naman talaga sa lovelife niya!
“Naku, ha? Mag-ingat-ingat siya, maraming bagong bagets actor na nagsusulputan ngayon, kaya baka bilang na bilang na ang oras niya!” naiinis na pagta-tapos ng aming source.
Bigay na bigay na kung sino siya, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kaya wala nang clue!