Ginang na ‘nangunguha ng bata’ dakip

DINAMPOT ng mga otoridad ang isang ginang na diumano’y nagtangkang manguha ng bata sa Sorsogon City.

Nadakip si Evangeline Butron Irapta nitong Huwebes, at kasalukuyang iniimbestigahan, sabi ni Col. Marlon Tejada, direktor ng Sorsogon provincial police.

Nagpakilala ang 53-anyos na si Irapta bilang residente ng Makati City na tubong Sierra Bullones, Bohol, aniya.

Tinangka umanong tangayin ni Irapta ang dalawang batang edad 10 at 5, sa magkahiwalay na insidente sa Brgy. Balogo, Sorsogon City.

Positibo siyang kinilala ng mga muntik nang mabiktima, kaya iniimbestigahan, ani Tejada.

Kaugnay nito, itinanggi ni Tejada na may bata nang nadukot sa Sorsogon, sa kabila ng naglipanang social media posts na may mga nangunguha ng bata para kunan ng ibebentang laman-loob o ipasok sa pornograpiya.

Hinikayat ng police official ang mga magulang na maging mas mapagbantay sa mga anak, at agad iulat sa pulisya ang presensiya ng kahina-hinalang tao sa kanilang mga barangay. 

Read more...