MAHIGIT isang dekada na mula nang buksan ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ang kanyang programa sa amateur boxing at magpahanggang ngayon ay nananatili pa rin itong matatag at umaani ng parangal sa mga pambansa at pangrehiyong torneyo.
Unang itinatag ni Moreno ang programa noong governor pa siya ng Misamis Oriental noong 2005 at ipinagpatuloy niya ito noong maging mayor siya ng Cagayan de Oro City.
Noong isang buwan ay namayani ang koponan ng Cagayan de Oro at nasungkit ang overall championship sa boxing event ng Mindanao leg ng 2019 Batang Pinoy Games sa Tagum City, Davao del Norte.
Umani ng apat na ginto ang mga boxer ng Cagayan de Oro mula sa pagwawagi nina Lady Jane Payla sa junior girls pinweight division, Angelou Lofranco sa junior boys pinweight, Jhasli John Illudar sa junior boys light flyweight at Rhein Jhon Gidor sa junior boys flyweight.
Ilan sa mga torneyong napunta rin sa Team CDO ang overall championship sa boxing noong isang taon ay sa Batang Pinoy Mindanao Leg sa Ozamiz City, Palarong Pambansa sa Vigan, Ilocos Sur; Philippine National Games sa Cebu City at ang Philippine Sports Commission-Pacquiao Amateur Boxing Cup sa Davao City.
Ilan sa mga nakinabang sa amateur boxing program ni Moreno ay ang mga world-class boxers na sina Milan ‘El Metodico’ Melindo at ang Pagara brothers na sina Jason at Prince Albert. Galing din sa CDO boxing team si Carlo Paalam na nanalo ng bronze medal sa 2018 Asian Games.
Sa kasalukuyan ay may mahigit 20 kabataang amateur boxers na sinasanay ang City of Golden Friendship at ang misyon ni Mayor Moreno ay makapaghubog ng isang Olympian na posibleng magbigay sa bansa ng kauna-unahang gintong medalya sa kada-apat na taong pandaigdigang palaro.
Oktubre noong isang taon ay nag-donate naman ng P1-million financial aid at mga gamit sa boxing ang Manny V. Pangilinan Sports Foundation (MVPSF) at Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa boxing program ni Moreno.
Nagbigay din ng tulong ang Embrace at Jaime Ongpin Foundation.
“With their recent success (in the Batang Pinoy Mindanao Leg), there’s no way to go but up for Cagayan de Oro’s boxing team,” sabi ni Moreno, na nangakong ipagpapatuloy ang kanyang programa sa amateur boxing.