14 sugatan matapos magkaaberya ang isang elevator sa Makati

SUGATAN ang 14 na katao matapos na magloko ang isang service elevator sa isang gusali sa kahabaan ng Ayala Ave. sa Makati City Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Makati City Police chief Senior Superintendent Rogelio Simon na nagtamo ang mga biktima ng ma bahagyang sugat matapos bumulusok pababa ang elevator mula sa ika-52 palapag sa pagitan ng alas-10:20 hanggang alas-10:30 ng gabi.

“Kagabi po nangyari. Siguro mga around 10:20, 10:30,” sabi ni Simon sa panayam ng Radyo Inquirer.

“Ang dinala po sa ospital, ang official talaan po ay 14. Hindi naman po yung seryosong sugat. Yung iba nahilo, yung iba nagkauntugan, yung iba sumuka,” dagdag ni Simon.

Idinagdag ni Simon na 28 pasahero ang sakay ng service elevator.

“Ang mali po talaga dito ay 28 po silang sumakay, ang ginamit nilang elevator ay yung service elevator. Kaya nagmalfunction po yung pagbaba niya,” sabi pa ni Simon.

Batay sa ulat ng DZMM, nag-shutdown ang elevator sa ika-38 palapag matapos na ma-activate ang emergency brake system nito.

Sinabi pa sa ulat, na hindi mabuksan ang pintuan ng elevator sa ika-12 palapag at patuloy itong bumaba sa unang palapag.

Read more...