Nag-iwan ng hindi magandang lasa sa dila ang halatadong pagkapikon ni Daniel Padilla nu’ng tanungin siya tungkol sa relasyon nila ni Kathryn Bernardo.
Hindi hinihingi ng pagkakataon ang kanyang tugon, may kagaguhan pa siyang sinabi, tigilan na raw ang pagpapalaki sa isyu dahil hindi naman ‘yun totoo.
Siguro nga ay naririndi na rin si DJ sa mga intriga. Ilang linggo na kasing pinagpipistahan ang naging problema nila ni Kathryn, umabot na siguro siya sa sukdulan.
Tao nga lang naman siyang nagsasawa rin sa magkakaparehong tanong, umaalpas din ang kanyang pasensiya, kaya inalihan na siya ng pag-kapikon nu’ng gabing tanungin na naman siya tungkol du’n.
Pero kailangang gumitna sa katwiran si Daniel. Kung wala namang pinag-ugatan ang kuwento ay wala namang mangungulit sa kanya. Hindi puwede ang basta mapipikon na lang siya, magsasalita nang mabigat na salita na para bang ang mga manunulat lang ang nagpapalaki ng istorya, hindi madaling tanggapin ang ganu’ng asta.
Kung ayaw nilang tinatanong ng mga reporters ang sitwasyon ng relasyon nila ni Kathryn, sarilinin nila ang kanilang problema, huwag nilang ilabas sa social media para hindi sila nauurirat.
May hangganan ang pagiging public figure, totoo ‘yun, pero kailangan din nilang makipagkita sa gitna.
Napakalaki ng responsibilidad nila sa kanilang mga tagahanga na kailangang nalalaman ang tunay na nagaganap sa buhay ng kanilang mga idolo.