‘Pera-pera’ lang si Cong sa passport controversy

IBINISTO ng kanyang mga kasamahan sa kilusan este sa party list pala ang isang kongresista na matagal na nilang pinaghihinalaang gumagawa ng raket gamit ang kanilang grupo.

Sinabi ng tapat sa interes ng sambayanan nating cricket na napatunayan nilang pera-pera rin pala ang lakad ni Cong sa pagkalkal sa legalidad ng kontrata ng gumagawa ng pasaporte sa bansa.

Kamakailan lamang ay naging mainit ang isyu kung tama ba na hindi na manatili sa United Graphic Expression Corporation (UGEC) ang pag-iimprenta ng passport ng mga Pinoy.

Pumasok ang isyu ng privacy at national security pero sa dulo ay napatunayang above board ang kontrata nito sa gobyerno.

Sa gitna ng imbestigasyon sa Kamara ay mismong mga kaalyado ni Cong ang nakapansin sa sobrang pagiging passionate nito sa nasabing isyu.

Ang buong akala nila ay sadyang interes ng mga Pinoy ang isinusulong ni Sir hanggang sa kanilang mabisto na bulsa pala ang dahilan kung bakit ito nanggagalaite sa taga-imprenta ng mga pasaporte.

Sa gita ng tanungan ng nag-iimbestigang komite sa Kamara ay busy si Sir sa pagte-text.

Nagkataon naman na nakaupo sa likod ng isang nagte-text rin na isang babae na kaalyado ni Cong sa kanilang grupo.

Dahil malaki ang font sa cellphone ay nabasa ng ating Cricket na iyung babae sa kanyang harapan ang siyang nagbibigay ng feed kay Cong sa kung ano ang dapat na itanong nito sa mga resource persons.

At sa kanyang pagtatanong ay nabisto na ang nasabing babae pala ay kinatawan ng “Pura group” na kilala bilang producer ng Banknote Paper, Security Paper, Specialty Paper, at Commodity Paper sa Asya.

Malinaw na ang nasabing kumpanya ang nasa likod ng mga banat ni Cong sa taga-imprenta ng ating pasaporte dahil may interes ito na maging passport supplier ng bansa ayon pa sa aking Cricket.

Ang mambabatas na nabisto ng kanyang mga mismong kasama sa kanilang grupo na suportado pala ng isang malaking kumpanya sa kanyang expose’ kuno ay si Mr. C…as in Cash.

Read more...