DALAWANG asunto nang ihinain ni Kris Aquino laban kay Nicko Falcis ang ibinabasura ng piskalya.
Nauna lang nang ilang araw ang resolusyon ng Makati Prosecutors Office sa pagbabasura ng kasong qualified theft pero agaran ding lumabas ang desisyon ng piskalya ng Pasig City.
May balita pang lumulutang ngayon na malapit na ring lumabas ang resolusyon ng Taguig at Manila, dismissed din diumano ang kasong isinampa ni Kris laban kay Nicko Falcis, kaya maraming nag-oopinyon na humihina ang mga kasong ihinain ng aktres-TV host laban sa dati niyang kasama sa KCA Productions.
Nakaaalarma ang ganitong senaryo para kay Kris. Kung nababasura ang mga kasong isinampa niya ay puwedeng isipin na mahina ang kanyang kaso laban kay Nicko.
Puwede ring isipin na wala na kasi sa posisyon ang pamilya ni Kris, ang kapangyarihang hawak nila nu’n ay wala na, kaya nangyayari ang ganito.
Kailangan nang magmuni-muni ni Kris, bigyan niya dapat ng panahon ang pagbabalanse sa kanyang buhay, sunud-sunod kasing paghamon at kabiguan ang kanyang nakakaengkuwentro.
At ganu’n talaga. Minsan ay nananalo tayo, minsan ay sumisingit ang pagkatalo, pero hindi ‘yun nangangahulugang kailangan nang huminto ang ikot ng ating mundo.
Tuloy pa rin ang buhay.