DEAR Ateng Beth,
Mahirap lang po kami pero nagtitiyaga po akong namamasukan bilang katulong sa tita ko na mayaman. Nag-aaral naman po ako sa gabi.
Nagtataka lang po ako bakit parang hirap na hirap ang tita ko na tulungan ang ate niya na nanay ko.
Di naman sa nanunumbat, pero ang nanay ko ang nagpaaral sa kanya kaya siya nakaahon sa hirap.
Bakit hindi man lang niya kami na matulungan?
Kailangan pagtrabahuhan daw namin lahat ng ibibigay niya.
Minsan inisip ko hindi siya mabuting tao. Tama bang umalis na ako sa kanya at maghanap ng ibang hanapbuhay? Salamat.
Mayeth, Quezon City
Dear Mayeth,
I hope everything is well with you ngayong binabasa mo ang kolum na ito.
About your concern, naku, unfortunately hindi natin alam ang background ng magkapatid kaya mahirap sa atin ang humusga sa relasyon nila ngayon.
Baka mayroon sila parehong hindi magandang nakaraan sa isa’t isa na nag-lead sa kanila sa klase ng relasyong mayroon sila ngayon?
Natanong mo na ba ang nanay mo sa relasyon niya sa kanyang kapatid? Maliban sa sinabi mo na siya ang nagpaaral sa tita mo, ano pa ang mga naging parte ng nanay mo sa kapatid niya at siya naman sa nanay mo?
Although kahit marinig mo ang paliwanag niya mahirap pa ring paniwalaan nang buo kasi syempre one sided lang. So kung kaya mo rin lang, tanungin mo rin ang tita mo. Tapos from there pagtagpuin mo ang istorya nila.
Although useless na rin kasi dahil may kanya- kanya na sila (o kayong) buhay. Ang mahalaga magdesisyon ka ngayon ng ayon sa inaakala mong tama.
Kung aalis ka sa tita mo, gaano ka kasigurado na maayos ‘yung mapupuntahan mo at hahayaan kang mag aral?
May mga amo na gusto sa kanila lang nakatutok ang buhay ng mga kasmabahay nila.
Kung aalis ka, hindi kaya lalong masira ang relasyon ng tita mo at nanay mo? Kung aalis ka, ano ang idadahilan mo kung bakit ka aalis sa kanya?
No offense, pero kung di rin lang naman pa- asenso ang susunod mong trabaho e di pumirmi ka nalang sana sa kanya.
Sa kabilang banda rin, tama naman si tita mo. Matuto kang pagtrabahuhan ‘yung gusto mong makamit. Hindi pwedeng porke’t mayaman si tita, e, iaabot niya nalang sa iyo ‘yan. Maigi nang pinaghirapan mo ang isang bagay, mas masasabi mong iyo talaga.
Baka nga gusto ka lang niyang matuto na ang isang bagay ay mas masarap makamit kung pinaghirapan mo.
Kung hindi siya mabuting tao, depende ‘yun sa paningin mo. Kung sa palagay mo hindi pa kabutihan na kupkupin ka niya at bigyan ng tabaho, e, di masama nga siyang tao. Kung di pa mabuti na hinahayaan ka niyang mag-aral kahit nagtatrabaho ka sa kanya, siguro nga hindi siya mabuting tao. So nakadepende sa paningin mo ‘yan.