SINUNOG ng mga nagpakilalang kasapi ng New People’s Army ang mga equipment, opisina, at warehouse na ginagamit para sa pagtatayo ng hydroelectric power plant sa Naujan, Oriental Mindoro, Lunes ng hapon.
Naganap ang pag-atake ilang araw lang matapos ang magkakasunod na sagupaang bunsod ng operasyon ng mga tropa ng pamahalaan laban sa NPA sa Oriental at Occidental Mindoro.
Aabot sa 30 armado ang sumalakay at nanunog sa project site ng Catuiran hydroelectric power plant sa Brgy. Malvar, dakong alas-4, sabi ni Supt. Socrates Faltado, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Ang pasilidad, na proyekto ng gobyerno at itinatayo ng Sta. Clara International Corp. sa halagang P1.9 bilyon, ay inaasahang makapagsu-suplay ng 8 megawatts ng kuryente.
Sinabi sa pulisya ni Emilyn Tresioso, project manager ng Sta. Clara, na bago ang insidente’y tinawagan siya ng security guard at sinabing may mga dumating na armadong nagpakilala bilang mga miyembro ng Philippine Army.
Ilang minuto pa ang makalipas ay sinilaban ng mga armado ang 12 heavy equipment.
Inihayag naman ni Catherine Lagunera, assistant camp supervisor, na pinaalis ng mga armado ang mga empleyado at kasunod nito’y nagpakilala na bilang NPA.
Matapos sunugin ang mga equipment, sinilaban din ng mga rebelde ang gusali kung saan naroon ang main office at safety office, pati na ang warehouse.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga salarin, na sinasabing tumakas patungo sa direksyon ng Brgy. San Andres, ani Faltado.
Noong nakaraang linggo, apat na magkakasunod na sagupaan ang naganap sa pagitan ng NPA at mga tropa ng pamahalaang nagsasagawa ng opensiba sa Oriental at Occidental Mindoro. Dalawang pulis at dalawang rebelde ang napatay sa mga engkuwentro.
Nitong unang bahagi naman ng Pebrero, sinunog din ng mga umano’y kasapi ng NPA ang ilang heavy equipment na ginagamit sa paglalapat ng kalsada para sa itinatayong dam sa Infanta, Quezon.