NAG-BONDING at nagchikahan muna sina Kris Bernal at Thea Tolentino bago kunan ang mga huling pasabog na eksena nila sa Asawa Ko, Karibal Ko na magtatapos na ngayong darating na Biyernes.
Nagkuwento si Kris sa kanyang Instagram Stories tungkol sa ginawa nilang tsismisan ni Thea sa taping ng AKKK. Nag-post ang actress-businesswoman ng litrat nila ni Thea na may caption na, “Todo chika bago magsampalan at magsabunutan!”
Sa huling apat na gabi ng Asawa Ko, Karibal Ko sa GMA Afternoon Prime, mas matitindi pang mga eksena ang babandera sa pagitan nina Rachel (Kris) at Venus (Thea) lalo na ngayong buking na buking na ni Gavin (Rayver Cruz) ang tunay na pagkatao ni Venus. Ano nga kaya ang kahihinatnan ng panloloko ni Venus kina Rachel at Gavin? May happy ending pa kayang naghihintay sa kanilang tatlo? Huwag palampasin ang last four nights ng Asawa Ko, Karibal Ko after Eat Bulaga.
q q q
SA kabila ng biglaang pagba-backout sa debate ng apat sa orihinal na kalahok sa ikalawang “Harapan 2019: The ABS-CBN Senatorial Town Hall Debate,” tinutukan at pinag-usapan pa rin ang mga sagot ng mga kandidatong tumanggap sa hamong harapin ang mga tanong ng taumbayan nitong nakaraang Linggo.
Present ang mga pambato ng oposisyon na sina Mar Roxas, Neri Colmenares, Gary Alejano, Romy Macalintal at Erin Tañada. Samantalang nagpasabi namang hindi makararating sina Rafael Alunan, JV Ejercito, Bato dela Rosa, Zajid Mangudadatu at Sergio Osmena.
Hindi naman nasayang ang biglaang pagsalang ng mga hindi gaanong kilala na kandidato tulad nina Agnes Escudero, Abner Afuang at Ding Generoso dahil sa dalawang oras na exposure nila sa “Harapan 2019” ay buong mundo ang nakarinig ng kanilang plataporma.
Benta rin sa mga tao ang tapang nila sa paglahad ng kanilang paniniwala, maski kakaiba sa opinyon ng karamihan. Ang licensed professional teacher na si Agnes, prayoridad ang karapatan ng mga Indigenous Peoples na anya ay lubhang naapektuhan ng industriya ng mina at ng giyera.
Ang dating pulis at alkalde ng Pagsanjan, Laguna na si Abner, ibinida ang kanyang pagmamahal sa bayan at nangakong hindi papayag na masakop tayo ng Tsina. Si Ding naman, na katuwang ng Pangulo sa pagsusulong ng pederalismo, sinabing sang-ayon siya na i-decriminalize ang libel pero pinaalalahanan ang mga mamamahayag na maging mas responsable sa kanilang pagbabalita.
Kudos sa bumubuo ng ABS-CBN News sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga ibang kandidato na mapakinggan at makilala rin ng mga botante na sawa na rin sa pare-parehong apelyido at pare-parehong pangako sa eleksyon. Malaking tulong ito lalo na sa mga walang panahon manood palagi ng balita o mag-research tungkol sa bawat kandidato.
Abangan kung sinu-sino pa ang kakasa sa hamon na humarap sa ikatlong “Harapan 2019” ng ABS-CBN na magaganap sa Marso 3.