HINDI rin nakadalo si dating pangulong Fidel Ramos sa paggunita ng ika-33 anibersaryo ng Edsa People Power.
Sinabi ni Pastor Boy Saycon, commissioner ng Edsa People Power Commission, na nabigong makapunta si Ramos dahil na rin sa mahinang pangangatawan bunsod na rin ng kanyang katandaan.
“Nalulungkot po kami at ngayon, dala ng kanyang pangangatawan, eh hindi po siya nakadalo, pati po ‘yung book launching niya sa Club Filipino, ‘yung last book na isinulat niya ay hindi din po siya nakapagdalo. Ipagdasal po natin siya, bigyan po ng ibayong lakas, at makapiling pa natin siya sa mga susunod na Edsa,” sabi ni Saycon.
Nakatakdang magdiwang si Ramos ng kanyang ika-91 kaarawan sa Marso.
“Dala nga po ng panghihina ng katawan siya po ay [91] na ngayong taon…tandaan niyo po, isa lang po ang kidney po noon. Kaya he lead a spartan life, he led [as] a hands-on President. Binigay na niya lakas niya sa serbisyo ng bansang ito,” dagdag ni Saycon.
Matatandaang pinangunahan noong 1986, iniatras ni Ramos na noo’y acting chief-of-staff ng armed forces, ang kanyang suporta kay dating pangulong Ferdinand Marcos.