Playoff berth asinta ng Phoenix Fuel Masters

 

Laro Biyernes (Marso 1)
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Columbian vs Blackwater
7 p.m. Alaska vs Phoenix Pulse
Team Standings: Rain or Shine (7-1); Phoenix (6-1); Alaska (2-1); Barangay Ginebra (3-2); San Miguel Beer (4-3); TNT (3-3); Columbian (3-4); North Port (2-3); Meralco (2-4); NLEX (2-4); Blackwater (1-6); Magnolia (0-3)

MASUNGKIT ang outright playoff berth at makisalo sa liderato ang hangad ng Phoenix Fuel Masters sa pagsagupa sa Alaska Aces sa  kanilang 2019 PBA Philippine Cup elimination round game ngayong Biyernes, Marso 1, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Puntirya ng Phoenix ang ikapitong panalo na magbibigay sa kanila ng playoff spot sa pagharap nila sa Alaska sa inaasahang magiging pisikal at madepensang matchup.

Asinta naman ng Columbian Dyip ang ikalawang sunod na panalo at ikaapat sa kabuuan kontra Blackwater Elite.

Hangad ng Dyip na manatili sa top eight na aabante sa playoffs laban sa Elite sa kanilang alas-4:30 ng hapon na opening game habang pipilitin ng Fuel Masters na manatili sa ikalawang puwesto para mapalakas ang tsansang makakuha ng twice-to-beat advantage kontra Aces sa alas-7 ng gabi na main game.

Magmumula ang Dyip sa pagkuha ng ikatlong panalo kontra Meralco Bolts, 86-85, noong Miyerkules, at inaasahan muli ang mahigpit na salpukan kontra Elite na nais putulin ang apat na sunod na pagkatalo at buhayin ang tsansang makausad sa playoff race.

Nalasap ng Elite ang ikaanim na pagkatalo matapos mabigo sa Aces, 101-103, upang malagay sa must-win na sitwasyon sa kanilang nalalabing limang laro para makaalis sa ika-11 puweso at makasungkit ng isang silya sa nakatayanag walong puwesto sa quarterfinals.

Galing naman ang Fuel Masters sa kontrobersyal na 98-96 panalo kontra NorthPort Batang Pier noong Miyerkules ng gabi para last makubra ang ikaanim na pagwawagi.

Ang Alaska ay magmumula naman sa pagkubra ng ikalawang panalo matapos talunin ang Blackwater at puntirya nila ang ikatlong diretsong pagwawagi sa pagsagupa sa Phoenix.

Read more...