MALAKI umano ang maitutulong ng masustansyang pagkain para mawala ang sintomas ng depresyon, ayon sa pag-aaral sa United Kingdom.
Pinag-aralan ng mga mananaliksik mula sa University of Manchester, ang 45,826 tao na lumahok sa pag-aaral gamit ang 16 na randomized controlled trials.
Lumalabas na ang lahat ng klase ng pagpapaganda ng pagkain na ginagamit sa pagpapapayat o pagdagdag ng sustansya sa katawan ay nakakatulong para mawala ang sintomas ng depresyon kahit na sa mga tao na walang depressive disorder.
Mas nagiging epektibo umano ito lalo kung sasabayan ng ehersisyo.
Nakakapagpaganda rin umano ng mood ng isang tao ang masustansyang pagkain.
Ang simpleng pagkain nang tama umano ay nakakatulong ng malaki upang mapangalagaan ang mental health ng isang tao.
Ang pag-iwas naman sa fast food at refined sugar ay sapat na umano upang maiwasan ang negatibong epekto sa pag-isip ng junk food.
Sa pag-aaral naman sa University of Leeds sa UK lumalabas na ang pagkain ng prutas at gulay ay nakakatulong upang gumanda ang pag-iisip ng isang tao.
Pinag-aralan nila ang 40,000 kalahok. Lumabas sa pag-aaral na ang pagkain ng isang bahagi ng prutas o gulay kada araw ay sapat na upang bumuti ang mental health ng isang tao. Katumbas umano ito ng paglalakad ng 10 minuto kada araw sa loob ng walong araw kada buwan.