Police colonel dakip sa pangongotong sa mangingisda

ARESTADO ang isang opisyal ng PNP Maritime Group nang mahuling tumatanggap ng pera mula sa umano’y kinikilang mangingisda, sa entrapment operation sa Tanza, Cavite, Biyernes.

Dinampot ng mga kapwa pulis si Supt. Armandy Dimabuyo, hepe ng 402nd Cavite Maritime Police Station, sa loob ng kanilang himpilan sa Brgy. Julugan 5, sabi ni Senior Supt. Romeo Caramat, commander ng PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF).

Isinagawa ng mga tauhan ng CITF at Intelligence Group ang operasyon dakong alas-7.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng ilang may-ari ng bangka tungkol sa diumano’y hinihingi ni Dimabuyo na P19,000 hanggang P21,000 mula sa lokal na samahan ng mga mangingisda.

Dinakip si Dimabuyo nang tanggapin ang P18,000 mula sa isang complainant, ani Caramat.

Nasa kostudiya na ng CITF si Dimabuyo.

Samantala, inihayag ni Maritime Group director Chief Supt. Rodelio Jocson na sinibak na sa tungkulin lahat ng tauhan ng 402nd Cavite Maritime Police Station, bunsod ng pagkakaaresto sa kanilang hepe.

Pinalitan ni Supt. Gaylord Tamayo si Dimabuyo, habang mga tauhan ng Maritime Group-Special Operations Unit ang ipinalit sa mga tauhan ng istasyon. 

Read more...