\PUMASA na sa pangatlo at huling pagbasa sa Kamara noon pang Pebrero 4 ang House Bill No. 8910 na naglalayong palakasin at palawagin ang mandato ng Games and Amusements Board (GAB).
Pero nangangamba si GAB chairman Baham Mitra na baka mabalewala at mabaon sa limot ang panukalang ito kapag hindi ito maampon sa Senado o di kaya ay magkaroon ito ng “Senate counterpart.”
“Sana naman ay may Senador na mag-aakda nito sa Senado otherwise masasayang ang mga effort ng mga nag-author ng bill na ito,” sabi ni Mitra.
Ang HB 8910 na inakda nina Rep. Winston Castelo (2nd District, Quezon City), Strike Revilla (2nd District, Cavite) at yumaong si Rep. Rodel Batocabe (Party-list, AKO BICOL). Tumanggap ito ng 185 boto mula sa mga mambabatas sa Kamara.
‘‘Pinaghirapan ito ng mga authors kasama sina chairman Gus Tambunting, Congressman Acop, PBA partylist Mark Sambar, Eric Pineda, JB Bernus at mga ibang miyembro ng House Committee on Games and Amusements,” dagdag pa ni Mitra.
Layunin ng panukala na palakasin pa ang kapangyarihan at tungkulin ng GAB sa pagkakaloob ng quasi-judicial powers na duminig at magpasya sa ano mang bagay, kontrobersiya o hidwaan, at mag-isyu ng mga alituntunin para sa mabilis na disposisyon ng mga kaso.
“Ang panukalang ito ay naglalayong mapalakas ang regulasyon sa mga propesyonal na mga laro at mga makabagong mga paraan na para sa seguridad ng kalusugan ng mga athleta. Kasama rin dito ang pag-regulate sa mga online cockfighting pagkatapos dumaan sa Legislative franchise ng Kongreso. Nagbibigay din ito ng karagdagang benepisyo sa mga boksingero at mga professional na atleta,” ani Mitra.