‘Kahanga-hanga ang pagtatanggol ni Regine kay Morissette’

MORISSETTE AMON AT REGINE VELASQUEZ

Kahanga-hanga ang naging aksiyon ng Asia’s Songbird nang i-bash ng kanyang mga tagasuporta si Morissette Amon dahil sa pagkakatiwala niya ng kanyang piyesa sa magaling na female singer.

Walang kiyaw-kiyaw, talagang sinagot nang diretso ni Regine Velasquez ang kanyang mga fans na kung anu-anong masasakit na salita ang ibinato laban kay Morissette.

Tama lang ang kanyang ginawa, paminsan-minsan ay kailangang nakakatikim ng latigong mga salita ang mga taong walang kunsiderasyon sa kanilang kapwa, walang masama sa ginawa ng magaling na singer.

Ipinahiya nga naman siya ng mga ito, siya ang nagdesisyong ipa-record ang kanta kay Morissette, tapos ay hahadlangan siya ng mga taong walang magawa sa buhay?

Malinaw na pagkapahiya ‘yun dahil sa halip na pahalagahan ng kanyang mga tagasuporta ang puso niyang walang karamutan ay sinaktan pa ng mga ito si Morissette Amon.

Kapala-palakpak ang kanyang sinabi na “Bakit, pag-aari n’yo ba ako?” at ang kumakagat niyang buweltang “Bakit mas marunong pa kayo sa akin?”

Ganu’n kung magbigay ng proteksiyon si Regine Velasquez sa kanyang mga kapwa singers. Hindi siya papayag na basta na lang apihin ang isang taong wala namang kasalanan.

Ganu’n ang pakikipagkaibigan. Hindi nang-iiwan sa gitna ng laban.

Read more...