Lito Lapid balak gumawa ng pelikulang mala-Expendables

LITO LAPID COCO MARTIN AT MARK LAPID

BUKOD  pala sa pagiging bahagi ng Ang Probinsyano ay may tinatapos ding pelikula ang senatorial candidate na si Lito Lapid under CineBro Productions, ang “Vendetta: Lumang Bakal” (working title).

Ito’y sa direksyon ni Ato Bautista.

Makakasama niya rito sina Jinri Park, Mark Lapid, Paolo Paraiso, Empress Schuck at marami pang iba. Kuwento ng veteran action star sa pakikipagchikahan niya sa entertainment media kahapon, ang tema at konsepto nito ay inspired ng Hollywood suspense-action movie na “Taken” ni Lian Neeson.

Dapat daw sana ay last January pa ito ipinalabas pero hindi na kinaya ng schedule at inabot na nga ng campaign period. Hopefully, after ng eleksyon ay maipalabas na ito sa sinehan.

Bukod dito, binabalak ding gumawa ng pelikula si Lito na mas kilala na ngayon bilang si Pinuno (karakter niya sa Probinsyano) na mala-“Expendables” nina Sylvester Stallone, Jason Statham, Wesley Snipes, Jet Li at marami pang iba.

Ayon sa actor-politician, kinausap na raw niya ang ilan sa mga kaibigan niyang action stars para magsama-sama sila sa nasabing proyekto. Ang balak niya, hindi sila magpapabayad sa producer at ang kikitain nito ay mapupunta sa mga kasamahan nila sa industriya ng pelikula na nangangailangan ng pinansiyal ng tulong.

Maghahanap din daw siya ng producer na susugal sa proyektong ito. May nag-suggest naman na kausapin nila si Coco Martin na may sarili na ring production company. Si Coco rin kasi ang bumuhay sa career ng dating senador sa telebisyon sa pamamagitan nga ng Probinsyano.

Samantala, natanong din si LL kung bakit tumanggi siyang sumali sa mga senatorial debate bago ang May 13 elections kasabay ng hamon sa kanya ng ilang kandidato.

Aniya, “Hindi naman ako nakikipag-contest sa pagalingan, eh. Sila naman magaling. ‘Yung galing nila siguro hindi ko alam pero may alam din naman akong di nila alam.

“Hindi naman siguro mapapakita sa debates iyong kagalingan ng isang taong gustong tumulong para sa ating mamamayan.

“Nagdidirek naman ako sa pelikula. Siguro pagdirekin mo sila sa pelikula, hindi nila alam, kaniya-kaniya lang ng pinag-aralan ‘yan.”

Read more...