NAG-ALOK na rin ang Calabarzon regional police ng bigas sa sinumang magsusuko ng bloke ng cocaine na matatagpuan sa rehiyon.
Una nang inulat ng Bandera na nag-aalok ang Caraga regional police ng isang sako ng bigas kapalit ng bawat cocaine brick, matapos matagpuan ang 77 bloke ng iligal na droga sa Dinagat Islands at Siargao.
“We will also give one sack of rice for every pack of cocaine na mai-surrender, as instructed by our regional director,” sabi ni Senior Supt. Osmundo de Guzman, direktor ng Quezon provincial police.
Ibinigay ni De Guzman ang pahayag matapos makatagpo na naman ng cocaine brick sa Quezon.
Natagpuan ng isang 16-anyos na high school student ang iligal na droga noong Linggo ng hapon, habang namumulot ng seashells sa dalampasigan ng Sitio Banlag, Brgy. Villamanzano Norte, bayan ng Perez.
Binutas ng binatilyo ang balot, at nang makita sa loob ang basa’t may masangsang na amoy na bagay ay iniwan ito, ani De Guzman.
Nang makauwi sa bahay ay napanood ng binata ang balita sa telebisyon tungkol sa naunang narekober na cocaine brick sa bayan ng Mauban, at naisip na pareho nito ang nakita niya sa pampang.
Ikinuwento ito ng binatliyo sa kanyang magulang, na nagulat naman sa mga awtoridad.
Nang suriin sa crime laboratory ay nagpositibo bilang cocaine, na may bigat na 1.035 kilo, ang natagpuan sa Perez, ani De Guzman.
Patuloy ang pagmo-monitor ng pulisya para sa iba pang cocaine brick na maaaring inanod sa mga baybayin ng Quezon.