Laro Martes (Pebrero 19)
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Petron vs PLDT
4:15 p.m. UVC vs Sta. Lucia
7 p.m. F2 Logistics vs Cignal
SISIMULAN ng F2 Logistics ang kanilang title hunt sa pagsagupa sa Cignal sa Philippine Superliga (PSL) Grand Prix 2019 Martes sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Uumpisahan din ng reigning champion Petron ang kanilang pagdepensa sa titulo sa paghaharap nila ng PLDT sa alas-2 ng hapon habang magsasalpukan ang United VC at Sta. Lucia sa alas-4:15 ng hapon sa prestihiyosong women’s volleyball tournament na katuwang ang ESPN5 at 5Plus bilang mga broadcast partner.
Susundan naman ito ng sagupaan ng Cargo Movers at HD Spikers dakong alas-7 ng gabi sa tampok na labanan ng ligang sinusuportahan din ng Asics, Mikasa, Mueller, Senoh, Team Rebel Sports, Bizooku, UCPB Gen, Hotel Sogo at Data Project.
Kasalukuyang nasa itaas ng team standings ang Foton at Sta. Lucia matapos na magsipagwagi sa kanilang opening game noong Sabado.
Ang Tornadoes ay dinomina ang United VC, 26-24, 25-20, 15-25, 25-21, habang winakasan ng Lady Realtors ang kanilang 13-game losing streak matapos gulatin ang Generika-Ayala, 25-21, 22-25, 25-23, para mauwi ang unang panalo.
Makasalo sila sa win column ang layunin naman ng F2 Logistics na kinuha bilang mga import sina Lindsay Stalzer at Italian-American Becky Perry para makatuwang nina Aby Maraño, Ara Galang, Kianna Dy, Dawn Macandili, Majoy Baron at Kim Fajardo para mabawi ang titulo.
Ang three-time champion at dating Most Valuable Player na si Stalzer ay hinatid ang Blaze Spikers sa korona noong isang taon at magiging malaking tulong siya para sa Cargo Movers.
Gayunman, sa susunod na linggo pa makakalaro para sa Cargo Movers si Stalzer dahil tinatapos pa nito ang paglalaro para sa Jakarta BNI Taplus na sumasabak pa sa finals ng Indonesian Proliga.