James Yap napiling PBA Player of the Week

WALA pa ring kupas si James Yap sa pagpapamalas ng mahusay na paglalaro sa krusyal na punto ng laban kaya naman nakuha niya ang kanyang unang Cignal-PBA Press Corps Player of the Week award sa 2019 Philippine Cup.

Sa tatlong laro ng Rain or Shine sa loob ng limang araw, ang 6-foot-2 guard na si Yap ay nag-average ng 13 puntos, 4.0 rebound at 1.6 assist para tulungan ang Elasto Painters na palawigin ang kanilang winning streak sa lima papasok sa dalawang linggong pahinga ng liga.

Si Yap, na ipinagdiwang ang kanyang 37 kaarawan noong Pebrero 15, ay kumana ng 18 puntos mula sa 6-of-9 3-point shooting para pamunuan ang pagbangon ng Rain or Shine mula sa double-digit na paghahabol para patumbahin ang NorthPort Batang Pier, 107-100 noong Pebrero 8.

Umiskor ang two-time PBA Most Valuable Player ng stepback triple sa harap ni Paolo Taha may tatlong minuto ang nalalabi para tuluyang ibigay sa Rain or Shine ang kalamangan sa 102-100.

Nagtala naman si Yap ng dalawang puntos at apat na rebound sa 18 minutong paglalaro mula sa bench para tulungan ang Rain or Shine na maungusan ang Phoenix Fuel Masters, 98-94. Ang panalo ng Rain or Shine ay nagpalasap naman ng unang pagkatalo ng Phoenix na nagtala ng 5-0 karta sa pagsisimula ng season.

Hindi naman nagtagal ang shooting slump ni Big Games James matapos na gumawa ng 18 puntos kabilang ang game-winning 3-point play mula sa foul ni Rome dela Rosa para ihatid ang Rain or Shine sa 75-74 pagwawagi kontra Magnolia Hotshots.

Ang Rain or Shine ay kasalukuyang nangunguna sa torneo sa 7-1 record at palapit na sa pagkopo ng isa sa dalawang twice-to-beat incentive na nakataya sa All-Filipino conference.

Tinalo ni Yap para sa lingguhang parangal para sa period na Pebrero 5-13 ang kakamping si Beau Belga, sina June Mar Fajardo, Terrence Romeo at Arwind Santos ng San Miguel Beermen at sina Chris Banchero, Carl Bryan Cruz at Ping Exciminiano ng Alaska Aces.

Read more...