NANAWAGAN ang Gabriela kay Pangulong Duterte na agad na pirmahan ang panukalang expanded maternity leave ng Social Security System at huwag itong i-veto gaya ng ibang panukalang inaprubahan ng Kongreso.
Ayon kay Rep. Emmi de Jesus dumaan sa masusing pagsusuri ang panukala na mas mabigat umano kaysa sa ilang bulong kay Duterte.
“Bakit biglang ikokonsidera ng Pangulo ang ilang bulong at panukala na kontra sa hiling ng mga kababaihang manggagawa? He should sign it now,” ani de Jesus.
Sinabi ni de Jesus na hindi dapat gamitin ang kapalpakan ng SSS na makakolekta upang hindi mapaganda ang benepisyo ng mga miyembro nito o kaya ay taasan pa ang ikinakaltas sa suweldo ng mga empleyado.
“Instead of floating the cost, why not find ways to the plug the leaks at SSS by improving collection rate and dispose costly idle assets? Bakit kailangang pagkaitan ang mga buntis dahil sa koleksyong mintis?” tanong ni de Jesus. Naniniwala naman si Rep. Arlene Brosas na pinalobo ng SSS ang inaasahang gastos nito sa expanded maternity benefit sa P6.4 bilyon upang makumbinsi ang Pangulo na i-veto ang panukala.
“Tandaan natin na karamihan ng SSS members ay minimum wage earners kaya mababa lang talaga ang salary credit, bukod sa less than 10 percent lang talaga ang nag-aavail ng maternity leave sa kasalukuyan,” ani Brosas.
Sa ilalim ng expanded maternity benefits gagawin ng 105 araw ang maternity leave mula sa 60 araw.
“If President Duterte vetoes the bill, he should expect a loud outrage by mothers who have long demanded the passage of the expanded maternity leave,” dagdag pa ni Brosas.