Utol ni Nicko Falcis binanatan sina Bong at Jinggoy

JINGGOY ESTRADA AT BONG REVILLA

UMANGAL ang mga kaibigan naming nasa gitna ng traffic sa EDSA habang nakikinig ng radyo.

Nakatutok sila sa “Boljak” nina Attorney Bruce Rivera, Attorney Jess Falcis at MeAnne Los Baños.

Ang tutok ng kanilang usapan ay ang mga kumakandidatong senador, may kani-kanya silang opinyon tungkol sa mga kandidato, nang biglang magmaasim si Attorney Jess Falcis.

Ayon sa nakababatang kapatid ng idinemandang dating partner ni Kris Aquino ay tigilan na raw ang pagboto sa mga magnanakaw. Tanggalin na raw sila sa listahan.

“Hindi naman lahat,” sabi ni Attorney Bruce, pero ang birit ng kanyang partner, “Sina Jinggoy at Bong Revilla, mga magnanakaw sila! Nagnakaw sila!” sabi ni Attorney Jess.

Paano namin ‘yun nalaman? Kami mismo ay nanonood ng programa habang nagsusulat ng aming mga kolum, malapit na kaming mahulog sa aming kinauupuan nang marinig-mapanood namin ang napakatinding paglalarawan ni Attorney Jess sa dalawang senador, nagulantang kami.

Kung kami ang tatanungin ay si Attorney Jess ang pinakahuling komentaristang puwedeng magpakawala ng mga ganu’n katinding salita dahil pagnanakaw rin ang bintang ni Kris sa kanyang kapatid na si Nicko.

Ayon sa aktres-TV host ay nagnakaw si Nicko, kaya anumang pagsangga ang gawin ng magkapatid tungkol sa asunto ay malinaw pa rin ang senaryo, pagnanakaw ang kasong isinampa ni Kris laban sa kapatid ni Attorney Jess.

Nasa piskalya pa ang kasong ihinain ni Kris laban sa kanyang dating partner na si Nicko, samantalang nagdesisyon na ang Sandiganbayan para ipawalang-sala si dating Senador Bong, pansamantala namang pinayagang makapagpiyansa si dating Senador Jinggoy.

Konting bawas ng mantika sa dila dahil sumosobra na ang dulas. Ano nga ang sabi ng mga nag-text sa amin, “Look, who’s talking!”

Totoo! Look, who’s talking nga naman!

Read more...